Reunion

Pareho tayong dinatnan ng muwang
Sa loob ng burgis nating skwelahan sa Katipunan,
ngunit sino nga ba ang makapagsasabi
kung saan tayo namulat?
Sa ga-bundok na leksyon na itinuro nila,
mula sa pagkalikha ng Diyos sa mundo
hanggang sa formula ng hyperbola,
paano tayo nakahanap ng espasyo
para sa mga aral sa labas ng silid-aralan?

Iisa man ang tinatahak nating landas,
Iisa man ang hanap nating bukas,
Iisa man ang pararatingan,
Di man lang tayo nagkasabay sa paglalakbay.

Sana'y nakausap kita bago ka sumampa:
talakayin natin ang "AFJM" sa ating papel,
ang bamboo area na ating tambayan noon,
ang mga chemical symbols na pinapakabisado,
ang mga akda sa choral recitations,
ang mga kanta sa songfests,
ang pag-gawa ng kodigo na di bawal,
ang vending machine at caf.
Talakayin natin kung paano sumentro sa mga ito
ang buhay natin noon. At kung paano,
buong akala natin, ang mga ito lang
ang ating mapag-uusapan sa reunion.

J, alam kong di ka na makararating
sa mga pagtitipon sa ating alma mater,
kasama ang ating mga kaeskwelang nagsipag-tapos sa mga pinagpipitagang paaralan.
Alam kong ang pagtitipong dinadaluhan
mo ngayon ay sa maliliit na kubo
sa malalayong baryo, kasama ang masa.
Ngunit huwag kang malungkot, J; magkakaroon
din tayo ng reunion.

Kapag natunton ko na ang dulo ng daan
patungo sa malayang bukas.




Comments