9/29/2008

Isang linggo na ang lumipas simula ng malaman ko ang iyong paglisan, ngunit hindi ko pa rin lubos na matanggap na wala ka na. Hanggang ngayon, tuwing nakikita kita sa gunita ko, ang nakikita ko ay ang Mai/Rachelle (naaalala mo ba nung nililito ako ng roommates natin sa Albay kung ano nga ba itatawag sa iyo?) na naalala ko--- ibang-iba sa bangkay na may mga latay ng pagpapahirap. Hanggang ngayon, iniisip ko buhay ka pa rin (siguro nadadagdagan na ng kakaibang dimensyon ang karaniwan kong kabaliwan o umaandar na naman ang pagiging matigas ng ulo ko o slow lang talaga ako). Hanggang ngayon, iniisip ko na posibleng magkita pa rin tayo muli sa mga national convention o national council meetings. Ewan ko. Siguro, ang diwa mo ang nararamdaman ko. Kung kaya may kumpiyansa ako na masasagap muli kita balang araw. Kung saan mang larangan yun, alam ko andun ka. Nagsisilbing inspirasyon para sa aming nagpapatuloy sa gawaing naiwan ng mga tulad mo. Hindi ko alam kailan tayo magkikita muli. Hindi ko alam saan. Basta ang alam ko, naka-daster ka na bulaklakin sa pagkikita natin. 


Hindi paalam, kundi hanggang sa muli ang sasabihin ko sa iyo. Mali pala ako. Bakit ako magpapaalam sa isang mahusay, masiyahin, at mabait na kaibigan? Nananatili kang buhay, habang andito kami sa buhay na ito. Habang patuloy naming pinaglilingkuran ang masa. Habang patuloy kami sa pagkilos para sa tunay na kalayaan.

Hanggang sa muli, Rachelle. Hanggang tagumpay.

No comments: