8/29/2008

ramdam ang karamdaman




Minsan kapag wala akong ginagawa, mahilig ako mag-isip. Isa sa mga naisip ko kanina ay ang kahinaan kong magsalaysay ng nagaganap sa akin sa ibang tao. Robot nga yata talaga ako. Kaya ko isipin (sa theoretical na level) kung ano ang gagawin (in detail) kapag may nangyari sa isang malapit na kaibigan (namatay, nakulong, etc). Kaya ko ilayo ang personal na galit sa isang taong kinakausap. Kaya ko rin makipag-usap tungkol sa damdamin nila, nang hindi naipapasok kung ano ang nararamdaman ko.

At yun ang madalas kong problema. Nahihirapan ako ipaunawa sa kausap kung ano ang nararamdaman ko. Hindi ako naniniwala sa pagbibitiw ng generic at simpleng kataga tulad ng, "nalulungkot ako" o "nagagalit ako." Hindi sa dahil hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko, pero palagay ko, kulang ang mga katagang ito para maisalaysay ko nang buo ang saloobin ko.

(Ang malabo rito, sa personal na damdamin ko lang ito problema. Pag may tinatalakay na isyu, kaya ko iayon ito sa kausap, gawan ng paraan para mas maintindihan niya sa pamamagitan ng pag-lapat ng personal na karanasan sa isyu.)

At sanay na rin naman kasi ako mag-kubli ng nararamdaman. Bukod sa nakakalimutan ko magpahayag ng nararamdaman, hindi ko rin naman madalas na nakikita ang pangangailangan magsalita tungkol sa nararamdaman ko, lalo na kung may kinalaman sa pagkakamali sa akin ng kaibigan, dahil naiisip ko na may iba pang dahilan kung bakit nagawa niya yun. Kumbaga, nothing personal. At mahaba rin ang pasensiya ko.

Pero sa mga ganitong pagkakataon na bigla akong dinadalaw ng lumbay dahil sa kakulangan ko sa pakikipag-kapwa tao, kahit gusto ko magsalita, nahihirapan ako. Mas madali isulat. Kapag nagsasalita kasi, maraming aberya: pwedeng maputol ang usapan dahil may biglang nagaganap (may nasagasaan, biglang bumagyo, sumobra ang init, may nasusunog, may nadapa, may biglang dumating na may dalang pagkain, may nagtext, may tumawag, etc), pwedeng makalimutan mo ang ilang importanteng salita na sasabihin (bago kasi ako kumausap ng tao, naghahanda ako ng "speech" sa utak ko), pwedeng hindi pala handa makipag-usap ang taong yun tungkol sa ganung bagay, etc. Hassle masyado para sa akin. Lalo na sa isang punung-puno ng duda, tulad ko.

Kay rami kong nakikita pang pagkukulang, mga bagay na dapat pa baguhin. Ang bilin sa akin, steady lang, patuloy naman ako hinuhubog ng kilusan at karanasan, kaya magpahinga kapag dapat, at kumilos nang ayon sa kakayahan. Kaya nga ako nagpahinga ngayon. Ngunit sa mga ganitong pagkakataon ko naiisip ang mga bagay na ito.

1 comment:

ANTIQUARIAN said...

trina : ) parang nabasa ko sarili ko sa sinulat mo. hirap din akong magpaintindi. minsan hindi ko alam kung magpapasalamat ako dahil may mga salitang, "ewan," o "basta," at dahil may konsepto ng salitang "buntong-hininga."