8/29/2008

ramdam ang karamdaman




Minsan kapag wala akong ginagawa, mahilig ako mag-isip. Isa sa mga naisip ko kanina ay ang kahinaan kong magsalaysay ng nagaganap sa akin sa ibang tao. Robot nga yata talaga ako. Kaya ko isipin (sa theoretical na level) kung ano ang gagawin (in detail) kapag may nangyari sa isang malapit na kaibigan (namatay, nakulong, etc). Kaya ko ilayo ang personal na galit sa isang taong kinakausap. Kaya ko rin makipag-usap tungkol sa damdamin nila, nang hindi naipapasok kung ano ang nararamdaman ko.

At yun ang madalas kong problema. Nahihirapan ako ipaunawa sa kausap kung ano ang nararamdaman ko. Hindi ako naniniwala sa pagbibitiw ng generic at simpleng kataga tulad ng, "nalulungkot ako" o "nagagalit ako." Hindi sa dahil hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko, pero palagay ko, kulang ang mga katagang ito para maisalaysay ko nang buo ang saloobin ko.

(Ang malabo rito, sa personal na damdamin ko lang ito problema. Pag may tinatalakay na isyu, kaya ko iayon ito sa kausap, gawan ng paraan para mas maintindihan niya sa pamamagitan ng pag-lapat ng personal na karanasan sa isyu.)

At sanay na rin naman kasi ako mag-kubli ng nararamdaman. Bukod sa nakakalimutan ko magpahayag ng nararamdaman, hindi ko rin naman madalas na nakikita ang pangangailangan magsalita tungkol sa nararamdaman ko, lalo na kung may kinalaman sa pagkakamali sa akin ng kaibigan, dahil naiisip ko na may iba pang dahilan kung bakit nagawa niya yun. Kumbaga, nothing personal. At mahaba rin ang pasensiya ko.

Pero sa mga ganitong pagkakataon na bigla akong dinadalaw ng lumbay dahil sa kakulangan ko sa pakikipag-kapwa tao, kahit gusto ko magsalita, nahihirapan ako. Mas madali isulat. Kapag nagsasalita kasi, maraming aberya: pwedeng maputol ang usapan dahil may biglang nagaganap (may nasagasaan, biglang bumagyo, sumobra ang init, may nasusunog, may nadapa, may biglang dumating na may dalang pagkain, may nagtext, may tumawag, etc), pwedeng makalimutan mo ang ilang importanteng salita na sasabihin (bago kasi ako kumausap ng tao, naghahanda ako ng "speech" sa utak ko), pwedeng hindi pala handa makipag-usap ang taong yun tungkol sa ganung bagay, etc. Hassle masyado para sa akin. Lalo na sa isang punung-puno ng duda, tulad ko.

Kay rami kong nakikita pang pagkukulang, mga bagay na dapat pa baguhin. Ang bilin sa akin, steady lang, patuloy naman ako hinuhubog ng kilusan at karanasan, kaya magpahinga kapag dapat, at kumilos nang ayon sa kakayahan. Kaya nga ako nagpahinga ngayon. Ngunit sa mga ganitong pagkakataon ko naiisip ang mga bagay na ito.

8/05/2008

Tanggap ko na ang buhay na walang kasiguraduhan.

8/03/2008

Belated post (ukol sa Davao)

Dalawang linggo rin ako doon, sa Davao. Bukod sa unang beses ko makasakay ng eroplano, di ko alam kung ano pa ang mararanasan ko sa pagkakataong ito. Dalawang linggong malayong-malayo ako sa kinalakihan kong mga lugar, skwelahan, kaibigan, karelasyon. Ito ang pinakamatagal na panahon na hindi ako uuwi ng bahay namin. Wala doon ang mga karaniwang pinupuntahan ko. Wala doon ang BL, kung saan kami madalas magkita-kita. Wala doon ang kr ko. Wala doon ang mga libro ko. Sa dalawang linggo, marami ang pwede mangyari. Ngunit di ako nangamba. Dalawang linggo lang naman ito, hindi isang taon. At alam ko na maraming maaasahang tao sa pupuntahan ko na sasalo sa pagdating.

Pagdating namin, napansin ko agad ang pagkakaiba sa Maynila. Mas malamig doon, mas mahangin. At kahit nag-rally kami agad ng tanghaling tapat, ang araw doon ay hindi katulad ng araw dito na grabe makapaso. Kung ikukumpara rin dito, mura ang mga bilihin, lalo na ang pagkain. Tantiya ko, sa isang daan piso, maaari ka nang mabuhay nang marangal sa isang araw doon. Sabi ko nga, baka magulat ako sa presyo ng mga bilihin pagbalik. Di lang dahil sa nagtaas ang presyo ng mga bilihin habang nasa Davao ako, ngunit dahil nasanay na ako doon.

Nasanay. Nakapagtataka na sa dalawang linggo, natuto akong mag-adjust agad sa routine ng walang routine, magkasya sa kung anong meron at umiwas sa pagbili ng hindi naman gaanong importante na bagay, baybayin at alamin ang mga ruta ng dyip sa mga kalsadang ngayon ko lang nakita, at pakitunguhan at kilalanin ang mga taong hindi ko pa nakakasama buong buhay ko.

Pero hindi yun ang nais ko ikwento. Mahabang-mahabang pasakalye lang iyon.

Isang gabi, napag-kasunduan namin na mag-overnight sa "bakweyt." Ito ang tawag ng lokal sa lugar na kinaroroonan ng mga evacuees o internal refugees. Nasa basketball court sila sa Bangkerohan (isang community sa Davao) noong panahong iyon, at nagmula sila sa Compostela Valley. Tutulong kami sa mga volunteers para ibahagi ang tulong na kailangan ng mga lumad na ito.

Pagdating namin doon, tulog silang lahat. Kanyang-kanyang pwesto ang mga magkakapamilya, ang mga gamit nila, nasa sulok ng kanilang napiling pwesto. Nagsimula akong magbilang, umabot ako sa 65, kaso hindi ko na makita ang iba, lalo na ang mga nasa malayong bahagi ng court at ang mga bata.

Ang mga lumad na ito ay nakarating pagkatapos ang ilang araw at gabing mapanganib na biyahe. Bumaba sila dahil nanganganib ang buhay nila sa pinanggalingang lugar. Sila ay sinona ng militar dahil umano sa pagsuporta nila sa NPA, at habang walang tao sa mga bahay, sinunog ng mga militar ang buong purok. Wala na silang babalikan doon kundi ang abo ng kanilang buhay. Kaya naisip nila tumakas para ipamalita ang nangyayari sa purok nila. Nagkubli sila sa dilim ng gabi, at may sumalubong sa kanila, kung kaya natapos ang biyahe nila sa mas madaling panahon dahil nakakuha ng mga sasakyan upang ihatid sila sa Bangkerohan. Noong panahong iyon, marami pa raw mula sa mga kalapit na purok ang nagbabalak bumaba, naghahanap lang ng pagkakataon, dahil pinipigilan ang mga ito na bumaba ng militar.

Karaniwan na sa akin ang mga ganitong kwento. Ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa rin masagot ang tanong na "bakit?" Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangan nilang gawin yun, ang sunugin ang lahat, pati ang kabuhayan ng mga taong ito. Hindi na ba nila mahiwalay sa isip nila kung sino ang sibilyan at sino ang kaaway nila? Sa ginagawa nila, hindi ba sila nakararamdam ng awa o habag? Talaga bang tuod na sila? O sadyang minamanhid nila ang kanilang mga sarili? At para saan? Para kanino?

Isang gabi lang ako doon, pero ito ang mga tumatak sa isipan ko: ang batang tinutusok ang hita gamit ang kutsilyo para makunan ng militar ng impormasyon, ang nanay na buntis na nagpursige pa rin sa pag-biyahe sa karimlan ng gabi para maipanganak ang anak niya sa mas ligtas na lugar, ang mga batang may masidhing galit sa mga umagaw sa kamusmusan nila.