4/24/2008

Pinirasong sulat pa rin



Ngayon ko lang napansin, kahit kailan hindi kita tinuring bilang kasama o kolektib; kinilala kita bilang mas sa antas na "instruktor" kita sa pagkilos. Di rin naman tayo masisisi rito, dahil una, hindi naman naka-sentro talaga ang relasyon natin, dahil nabuo ang ating relasyon bago pa tayo naging tibak; ang relasyon natin ay nahubog pa rin ng mga burgis na kaugalian, aminin man natin o hindi. Pangalawa, bilang karelasyon mo, kahinaan ko rin naman na saluhin ang gawain mo kapag nahihirapan ka na. Pangatlo, noong panahon na pumapakat na ako sa kinabibilangan mong grupo, ay siya naman ang panahon na pag-lipat mo sa iba.

Kung tutuusin, hindi tayo nagkasama ng gawain. Hindi tayo naka-upo sa iisang pulong na magkasama. Hindi tayo nakapag-BMI, o ang magpahangin na magkasama (na tulad ng pangarap natin nung hindi pa ako kumikilos). At hindi pa rin tayo nakapag-ED ng sabay, o kahit ako ang estudyante mo at ikaw ang instruktor ko. Sa mga mob lamang tayo madalas na nagkakasama, at yun ay kung wala tayong kanya-kanyang plano. Paano nga ba kita makikilala bilang kasama, kung sa mga mob lang tayo nagkakasama? At siyempre, bilang "estudyante" mo, paano ako makikipag-tunggali sa sarili ko na ang aking "instruktor" ay may mali rin palang sinasabi?

At ngayon, tuloy na talaga ang pag-pakat mo sa ibang grupo. At kung gugustuhin man natin, matagal-tagal bago tayo magkasama sa iisang grupo; gagamayin mo pa kung paano ka makakikilos sa lilipatan mo, may katungkulan naman ako rito. Para talagang hindi nagtutugma ang mga gawain natin.

Mahirap din pala. Di ko naman inaakala noon na magiging ganito. Buong akala ko kasi ay magkakasama tayo sa lahat ng gawain, na ang ating papakatan ay nakasalalay sa papakatan ng isa. Naisip ko rin naman na hindi laging mabuti kung kolektib mo ang kr mo, ngunit sa ganitong sitwasyon, nakikilala naman nila ang isa't-isa bilang mga kasama sa isang mapagpalayang relasyon.

Mahirap pala. Lalo na sa ganitong panahon at sitwasyon na kung saan, walang pwedeng kumilos sa ating dalawa upang lumapit sa isa. Stalemate, 'ika nga nila. Kaya ayoko na rin ibukas ito sa grupo ko (o kahit sa magiging grupo mo), dahil alam ko na hindi pa talaga panahon. Tulad ng maraming bagay: ang pag-papamilya, ang pagtungo sa ibang ibayo, atbp. Ngunit alam ko, laging napapanahon ang paghihintay ng tamang pagkakataon.

No comments: