4/28/2008

paalam sa kabataan




Naunawaan ko na hindi pala ako likas na marahas na tao, di tulad ng akala ng iba sa akin; kung maaari lamang, umiiwas ako sa gulo at komprontasyon. Kung aking hihiramin ang isang linya sa isang sikat na kantang pag-ibig sa mga tibak, ako'y namulat sa isang panahong marahas. Hindi ko maaaring sabihin na masaya at karaniwan ang aking kabataan. Bata pa lang ako, nasanay na ako sa sigaw, mura, at dahas. Nasanay na rin ako na laging pinagdududahan. Kahit kailan, hindi ko nadama noon na may iisang bagay na maaari kong asahan na hindi mawawala o magbabago, bukod sa pag-iyak ko gabi-gabi sa karimlan ng kwarto namin noon.

Bata pa lang ako, kinikitil na ng mga tao sa bahay ang aking kalayaan na mag-pasya, mag-salita, mag-isip, mag-desisyon, kumilos. Ginagawa raw ito dahil bata pa ako. Nang tumanda ako ng kaunti, at nagkaroon ng malay, marami pa rin ang hindi ko maaaring gawin dahil daw "aktibista" ako. Sa mura kong isip, hindi ko alam kung paano bibigyan ng kahulugan ang salitang ito. Hindi ko maintindihan, dahil ang karaniwang katangian na iniisip ng mga tao ng mga aktibista ay ang sumali sa mga rali. Sa mura kong edad na siyam na taong gulang, hindi pa ako nakararanas ng sumali sa rali. Madaldal, makatwiran, matalino, at matigas daw ang ulo ko: ito na lamang ang pansamantalang ibinigay ko na kahulugan ng "aktibista."

Sa aking pag-tanda, mas napansin ko ang kahigpitan sa akin ng mga tao. Ang akala ko noong una ay karaniwan lamang ito, ngunit nung ikinumpara ko ito sa karanasan ng aking mga kapatid at kaklase, tila nga may kakaiba sa paraan ng pag-trato nila sa akin. Iniisip ko nung una, ang lahat ay magbabago rin, baka pag tanda ko, mag-iiba ang lahat. Ngunit sa bawat pagkakataong hinahayaan ko sila, humihigpit ang Batas Militar sa bahay. Hinayaan ko, dahil umaasa pa rin ako na magbabago rin ang lahat, ng wala akong ginagawa. Na hindi kailangan idaan sa kapusukan o komprontasyon. Na ipinagkakaloob ang kalayaan.

Hinahayaan ko rin pansamantala ang karahasan sa bahay, hanggang isang araw, naisip ko, bakit ako dapat magpa-api? Kung hindi ako kayang ipagtanggol ng mga dapat mag-tanggol sa akin, sino ang magtatanggol sa akin? Sino ang kikilos para sa akin? Hindi ba dapat ako na lang ang gumawa nito? Kaya sa susunod na pagkakataon, lumaban na ako. Ito ay nagresulta sa mga mas malala pang pangyayari, ngunit hinarap ko ito, sapagkat naisip ko na dapat nang lumaban, sapagkat hanggang hinahayaan mo lang na sinasaktan ka, hindi ito matitigil.

Hindi ako marahas na tao. Alam ko ito, kahit na kakaiba ako magalit. Natuto ako sa aking lipunan, na ang maging marahas ay ang maging mapang-api, kung kaya ang tanging sandata ng inaapi ay ang karahasan din. Dahil kung nais mo ng pagbabago, ito'y ipinaglalaban. At kung nais mo ng kalayaan, ito'y hindi ipinagpapaalam o ipinapakausap o iniiyakan: ito'y inaangkin.

No comments: