4/30/2008

pinirasong sulat na naman

Aaminin ko: may bahagi pa rin ako na mushy, sentimental, emotional. Gusto ko rin inaawitan ng mga kantang pag-ibig, inaalayan ng tula, inuuwian ng pasalubong. Alam mo naman siguro ito. Ang palagay siguro ng ibang tao e wala tayong mush sa ating mga katawan dahil ang nakikita lamang nila madalas ay ang tawanan natin, ang mga pang-asar na hirit, ang pagyayabang na ang tanging silbi lamang ay malamangan ang isa, ang pag-mumura, ang pag-tatalo. Hindi iilan ang nagsasabi na hindi tayo mukhang mag-kr; mukha tayo mag-kapatid o mag-kaibigan. Hindi kasi nila nakikita ang kislap sa mata natin tuwing magkasama tayo, ang pagtutulungan natin sa internal na tunggalian ng isa't-isa, ang pagsasalo ng gawain, ang magkasamang pagsisikap na makagampan ng gawain at makarating sa mga dapat puntahan, ang pag-puna natin sa isa't-isa, ang kapanatagan ng loob natin sa isa't-isa at sa kilusan na ating pinaglilingkuran, ang pag-plano ng kinabukasan natin ayon sa pag-kilos para sa isang malayang lipunan.

Ito ang bagong version ng Rosas ng Digma (Ang Tugon). Sabi mo noon, ayaw mo na maging kanta natin ang alin man sa Rosas ng Digma dahil marami na ang may gusto rito. Okay lang sa akin kung ganun, dahil wala naman yata talaga tayong kanta. Sana lang, kantahan mo ako. Kantahan mo ako tungkol sa habambuhay na pakikibaka nating dalawa. Tungkol sa pamumuhay natin na simple, ngunit masikhay ang pagkilos. Tungkol sa pamilya natin na malayo sa naranasan nating pang-aapi at pang-aabuso. Tungkol sa pamumuhay natin sa piling ng masa. Tungkol sa panahon ng pag-punta natin sa ibang ibayo. Tungkol sa pag-asa at kalayaan.

Kantahan mo ako ng pangarap.


Ika'y paru-parong nangahas lumipad
Sa dilim ng gabi, pilit na umalpas

Pagkat hanap mo'y ningning at laya ng bukas

Sa aking mundo'y napadpad

Tulad ng iba ay nagmamahal din
Kahit malayo ay liliparin

Upang pag-ibig mo'y iparating
Sa rosas ng 'yong paningin


Ako'y nagagalak na tayo'y magkasama

Sa bawat pangarap

Sa piling ng masa

Magkahawak ng kamay

Sa pakikidigma
Para sa isang lipunang malaya
At sa pag-ibig na tunay at dakila

4/28/2008

paalam sa kabataan




Naunawaan ko na hindi pala ako likas na marahas na tao, di tulad ng akala ng iba sa akin; kung maaari lamang, umiiwas ako sa gulo at komprontasyon. Kung aking hihiramin ang isang linya sa isang sikat na kantang pag-ibig sa mga tibak, ako'y namulat sa isang panahong marahas. Hindi ko maaaring sabihin na masaya at karaniwan ang aking kabataan. Bata pa lang ako, nasanay na ako sa sigaw, mura, at dahas. Nasanay na rin ako na laging pinagdududahan. Kahit kailan, hindi ko nadama noon na may iisang bagay na maaari kong asahan na hindi mawawala o magbabago, bukod sa pag-iyak ko gabi-gabi sa karimlan ng kwarto namin noon.

Bata pa lang ako, kinikitil na ng mga tao sa bahay ang aking kalayaan na mag-pasya, mag-salita, mag-isip, mag-desisyon, kumilos. Ginagawa raw ito dahil bata pa ako. Nang tumanda ako ng kaunti, at nagkaroon ng malay, marami pa rin ang hindi ko maaaring gawin dahil daw "aktibista" ako. Sa mura kong isip, hindi ko alam kung paano bibigyan ng kahulugan ang salitang ito. Hindi ko maintindihan, dahil ang karaniwang katangian na iniisip ng mga tao ng mga aktibista ay ang sumali sa mga rali. Sa mura kong edad na siyam na taong gulang, hindi pa ako nakararanas ng sumali sa rali. Madaldal, makatwiran, matalino, at matigas daw ang ulo ko: ito na lamang ang pansamantalang ibinigay ko na kahulugan ng "aktibista."

Sa aking pag-tanda, mas napansin ko ang kahigpitan sa akin ng mga tao. Ang akala ko noong una ay karaniwan lamang ito, ngunit nung ikinumpara ko ito sa karanasan ng aking mga kapatid at kaklase, tila nga may kakaiba sa paraan ng pag-trato nila sa akin. Iniisip ko nung una, ang lahat ay magbabago rin, baka pag tanda ko, mag-iiba ang lahat. Ngunit sa bawat pagkakataong hinahayaan ko sila, humihigpit ang Batas Militar sa bahay. Hinayaan ko, dahil umaasa pa rin ako na magbabago rin ang lahat, ng wala akong ginagawa. Na hindi kailangan idaan sa kapusukan o komprontasyon. Na ipinagkakaloob ang kalayaan.

Hinahayaan ko rin pansamantala ang karahasan sa bahay, hanggang isang araw, naisip ko, bakit ako dapat magpa-api? Kung hindi ako kayang ipagtanggol ng mga dapat mag-tanggol sa akin, sino ang magtatanggol sa akin? Sino ang kikilos para sa akin? Hindi ba dapat ako na lang ang gumawa nito? Kaya sa susunod na pagkakataon, lumaban na ako. Ito ay nagresulta sa mga mas malala pang pangyayari, ngunit hinarap ko ito, sapagkat naisip ko na dapat nang lumaban, sapagkat hanggang hinahayaan mo lang na sinasaktan ka, hindi ito matitigil.

Hindi ako marahas na tao. Alam ko ito, kahit na kakaiba ako magalit. Natuto ako sa aking lipunan, na ang maging marahas ay ang maging mapang-api, kung kaya ang tanging sandata ng inaapi ay ang karahasan din. Dahil kung nais mo ng pagbabago, ito'y ipinaglalaban. At kung nais mo ng kalayaan, ito'y hindi ipinagpapaalam o ipinapakausap o iniiyakan: ito'y inaangkin.

4/24/2008

Pinirasong sulat pa rin



Ngayon ko lang napansin, kahit kailan hindi kita tinuring bilang kasama o kolektib; kinilala kita bilang mas sa antas na "instruktor" kita sa pagkilos. Di rin naman tayo masisisi rito, dahil una, hindi naman naka-sentro talaga ang relasyon natin, dahil nabuo ang ating relasyon bago pa tayo naging tibak; ang relasyon natin ay nahubog pa rin ng mga burgis na kaugalian, aminin man natin o hindi. Pangalawa, bilang karelasyon mo, kahinaan ko rin naman na saluhin ang gawain mo kapag nahihirapan ka na. Pangatlo, noong panahon na pumapakat na ako sa kinabibilangan mong grupo, ay siya naman ang panahon na pag-lipat mo sa iba.

Kung tutuusin, hindi tayo nagkasama ng gawain. Hindi tayo naka-upo sa iisang pulong na magkasama. Hindi tayo nakapag-BMI, o ang magpahangin na magkasama (na tulad ng pangarap natin nung hindi pa ako kumikilos). At hindi pa rin tayo nakapag-ED ng sabay, o kahit ako ang estudyante mo at ikaw ang instruktor ko. Sa mga mob lamang tayo madalas na nagkakasama, at yun ay kung wala tayong kanya-kanyang plano. Paano nga ba kita makikilala bilang kasama, kung sa mga mob lang tayo nagkakasama? At siyempre, bilang "estudyante" mo, paano ako makikipag-tunggali sa sarili ko na ang aking "instruktor" ay may mali rin palang sinasabi?

At ngayon, tuloy na talaga ang pag-pakat mo sa ibang grupo. At kung gugustuhin man natin, matagal-tagal bago tayo magkasama sa iisang grupo; gagamayin mo pa kung paano ka makakikilos sa lilipatan mo, may katungkulan naman ako rito. Para talagang hindi nagtutugma ang mga gawain natin.

Mahirap din pala. Di ko naman inaakala noon na magiging ganito. Buong akala ko kasi ay magkakasama tayo sa lahat ng gawain, na ang ating papakatan ay nakasalalay sa papakatan ng isa. Naisip ko rin naman na hindi laging mabuti kung kolektib mo ang kr mo, ngunit sa ganitong sitwasyon, nakikilala naman nila ang isa't-isa bilang mga kasama sa isang mapagpalayang relasyon.

Mahirap pala. Lalo na sa ganitong panahon at sitwasyon na kung saan, walang pwedeng kumilos sa ating dalawa upang lumapit sa isa. Stalemate, 'ika nga nila. Kaya ayoko na rin ibukas ito sa grupo ko (o kahit sa magiging grupo mo), dahil alam ko na hindi pa talaga panahon. Tulad ng maraming bagay: ang pag-papamilya, ang pagtungo sa ibang ibayo, atbp. Ngunit alam ko, laging napapanahon ang paghihintay ng tamang pagkakataon.

4/22/2008

Dahil 22 na siya nung 20



Maligayang bati, agwaskaterin! Pasensiya nahuli ito; ang dami kasing gawain. Sana magustuhan mo. :) At kahit hindi na tayo masyadong nagkakasama at nagkikita (mali, hindi na talaga), nais kong malaman mo na miss na kita (naks, ulol!). At na ang imbitasyon na ibinukas ko sa iyo noon ay nanatili pa ring bukas hanggang ngayon. Andito lamang ako bilang kalokohan, kakulitan, ka-angasan, at kaibigan.

4/18/2008

Lihim

Naiinip ako. Nababalisa. Sabi ko sa isang kaibigan, bakit ganun, parang hindi na ako mapalagay sa isang trabaho. Laging may kulang. Ang sabi niya sa akin, dahil may hinahanap daw ako. Tama naman siya. May hinahanap nga ako na ibang klaseng trabaho. Ito ang gusto kong trabaho bata palang ako.

Malapit na, malapit na.

Marami rin naman akong pag-dududa. Lagi naman. Lagi kasi sinasabi sa akin, mahirap kapag ganun, maliit at madalang ang kita. Ngunit, tulad sa isang pag-uusap ng isa pang kaibigan, para saan nga ba ako nag-iipon? Para ba sa kinabukasan? Anong kinabukasan nga ba yun? Dahil hanggang ganito ang sistema, ano ang kapalaran ko? Dama ko na hindi darating ang punto na maaari na akong tumigil sa pagtatrabaho dahil may limpak-limpak na akong salapi, at maari na lamang akong humilata sa ibabaw nito.

At paano naman ang walang ganitong klaseng desisyon? Ang hindi makapag-desisyon ng ganito, dahil hindi nalasap ang mga naranasan kong karangyaan? Wala na rin ba silang karapatan sa kinabukasan?

Hindi ito para sa akin lamang, kahit pa ano sabihin ng tao. Para ito sa tao, sa Sambayanan. Para sa mga kaklase at kaibigan na nagbabanat ng buto para sa sahod, para sa masuportahan ang pamilya, para makabili ng mga bagay na pinagkait sa kanila noon; para sa tropa ko na nababatak na masyado dahil kaunti lang ang nakapaglalaan ng oras at lakas sa gawain; para sa kr ko, na alam kong kasama ko pa rin sa pangangarap ng malayang bukas sa isang masayang lipunan; para sa mga pamangkin ko, na namumulat sa panahong marahas; at para sa Sambayanang Pilipino na patuloy na pinahihirapan ng tatlong salot.

Malapit na. Malapit na malapit na.

4/10/2008

antoxicity




4/09/2008

Grass is greener

Always, to someone else, you are living a charmed life.