12/13/2007

Strike!



Tigil-pasada ngayon ang ilang mga operator ng dyip. Nasa Cubao sila kanina, nagpo-programa kasama ang ibang sektor na sinusuportahan sila.

Bilang karaniwang mamamayan (ibig sabihin sa kontekstong ito, hindi tsuper ng dyip) na laging gumagamit ng pampublikong sasakyan, paano ko ito titignan? Siyempre, perwisyo ang idudulot nito, dahil kung ang mga nagtigil-pasada ay mga dyip na sinasakyan ko tuwing ako ay aalis, maaapektuhan talaga ako.




Ngunit, minsan kailangan nating lumayo upang makita ang mas malaking litrato. Kung tutuusin, apektado na rin talaga ako dahil sa pagtaas ng presyo ng langis: nadagdagan na naman ang pamasaheng ibinabayad ko. Magtigil-pasada man sila o hindi, apektado na rin talaga ako. Hindi naman pwedeng panatilihing ganun pa rin ang pamasahe dahil kailangan magpa-gas ang mga dyip. Isa itong prized commodity na kung saan, kahit gaano pa ka-taas ang presyo nito, may bibili pa rin dahil necessity ito, at nag-iisang uri lang siya.

Ikalawa, tumataas ang presyo ng bilihin. Sa mga tsuper na ito, ang pagtaas na ito ay nangangahulugan ng pagbaba na naman ng buying power nila. At isang sektor lang sila sa mga nagrereklamo. Dahil sa liit ng kita, hindi na talaga kaya ang pagtaas ng presyo.

Kung tutuusin, ang ipinaglalaban ng mga tsuper ay karapatan din natin: ang karapatan na magkaroon ng gobyerno na interes ng mamamayan ang nasa isip. Kung kaya ang mga tsuper na ito ay hinihingi ang pagtanggal sa oil deregulation law (na kung saan hindi na gobyerno ang nangangasiwa sa presyo ng langis. Kumbaga, kebs na siya sa presyo nito) na salot naman talaga sa buhay nating karaniwang mamamayan.



Oil deregulation law, ibasura!

No comments: