12/11/2007

Front Runner


Ipinahiram sa akin ang librong ito ni Vijae. Medyo nahalina akong basahin ito dahil sa isang libro rin: ang Ladlad. Sa isang short story kasi sa katipunan ng mga akdang ito, binanggit ang aklat na Front Runner, at maganda ang pag-tukoy sa librong ito.

Ito ang kwento ni Billy na isang front runner (sa larangan ng pagtakbo, may dalawang uri ng lumalahok: ang front runner at ang kicker. Ang nauna ay ang mga laging una sa hanay ng mga tumatakbo sa simula ng paligsahan. Ang nahuli ay ang mga nasa hulihan naman hanay), ang coach niya na si Harlan (na kanyang magiging karelasyon), at ang daan nila patungong Olympics noong 60s.

Hindi ito libro na tungkol lamang sa libog, pagmamahal, at drama. Oo, marami ngang tagpo na itong tatlo ang bida, ngunit marami ring isyu ang binigyang pansin sa librong ito: diskriminasyon, pulitika, aktibismo, tunggalian, atbp.

Hindi ito typical na love story, hindi lamang dahil sa relasyon sa pagitan ng dalawang lalaki ang buod ng kwentong ito, kundi isinisiwalat din nito ang pinagdaanan nilang dalawa (at ilan pang malapit na kaibigan) upang makamit ang isang mithiin na hindi pa nakakamit noon: bading na kinatawan ng Estados Unidos sa Olympics.

Sa mga ayaw malaman ang kinahinatnan ng kwento, paki-laktawan ang sunod na talata. Salamat. :)

Sa dami ng pinagdaanan ni Billy upang makatakbo sa Olympics, nakalulungkot na mamatay siya habang lumalahok sa ikalawa niyang paligsahan. Ngunit naiyak talaga ako nung bumalik na si Harlan sa bahay nila, at nakikita ang mga gamit ni Billy. Damit. Sapatos. Pinggan. Para bang nakita ko ang sarili ko sa katayuan ni Harlan. Nakikita niya ang mga gamit ng kanyang mahal. Dahil sa mga ito, hindi niya maikaila na nabuhay ito, na nakasama niya ito. At ito ang masakit: na hindi niya na magagamit ang mga ito, na hindi na niya makakasama muli ang mahal niya.

Ganun naman talaga. Lalo na sa mga pinili ang buhay na ito. Alam mo, sa kahit aling oras o araw, maaaring mawalay sa iyo ang mahal mo. Maraming paraan: dukutin, patayin, kulungin, etc. Ngunit, hindi ito sapat na dahilan para talikuran ang tungkulin sa Sambayanan. O para hindi magmahal. Mas matibay itong dahilan upang magpatuloy. Babalewalain mo ba ang inialay niya/nilang dugo? Lalo na kung alam mo na isa ka sa mga laman ng isip nila bago sila nilagutan ng hininga?

Minsan tayo ang mga kickers. Laging nasa hulihan, kuntento sa kalagayan. Ngunit pag isa-isa nang nawawala ang mga front runners, mananatili ba tayong kickers?

-------------------------------------------------------------------------

Nalinawagan na ako: ang pagiging bading nga ay pinipili. Oo, inaamin ko mali ako. Ano, masaya ka na? ;p Dahil ang pagiging bading ay hindi lang tungkol sa sexual preference. Ito ay ang pag-amin din na ikaw ay bading.

No comments: