10/29/2007

Sulit?

Sale kahapon sa Riverbanks Mall Marikina. At dahil sale, naisip ng nanay ko bilhan ako ng sapatos. May mga sapatos kasi na kinaltasan ng 50% ang regular na presyo nila. Meron nga mas malaki ang kaltas. Yung binili na sapatos para sa akin, P799 na lang ang binayaran. Kung walang sale, mga P2,300 ang halaga ng sapatos na iyon.

Nababagabag ako. Pakiramdam ko luho ang pagbibili ng bagong sapatos. Marami naman kasi ako sapin sa paa. Yun nga lang, madalas ako mag-tsinelas dahil masikip na ang mga sapatos ko.

Ang tingin ko sa pagbili ng bagong sapatos (para sa akin) ay luho pa rin, kahit na lagpas kalahati ang ibinagsak ng presyo. Ganito kasi ang iniisip ko: ano nga ba ang tunay na presyo ng sapatos?

Magkano lang ba talaga ang ginastos ng kapitalista sa sapatos na binebenta niya? Sa P2,300 na orihinal na presyo ng sapatos, magkano ba dun ang talagang ginastos niya? At magkano dun ang kita na niya?

Hindi ba tayo inuutakan lang, pinalalabas na mura na ang sapatos na halagang P799? Malay ba natin kung P300 lang pala ang halaga ng sapatos na yun, kung bibilangin lang ang ginastos ng kapitalista run, at hindi isasama ang pagkalaki-laking tubo niya.

Medyo malabo pa ang iniisip ko, wala akong hard data. At naisip ko ito habang nag-iikot sa mall. Ngunit ito ang nananatiling palaisipan para sa akin: sulit pa rin ba kapag sale?

No comments: