4/21/2007

Hindi na

Sa nakaraang linggo, ako'y dinadalaw ng balisa. Yung tipong balisa na nagkukuta sa ilalim ng kamulatan mo. Yung hindi masyadong nagpapakita, ngunit nagpaparamdam. Hindi mo mahuli, ngunit paulit-ulit na dumadaan sa puwang ng mga daliri mo.

May kinalaman sa pag-trabaho ko. At pag-lipat. Kaya kasi ako dito nagtrabaho dahil sa aking palagay, ito'y malaking hakbang patungo sa nais kong maabot sa buhay. At sa aking palagay, ito na ang pinaka-"mapusok" na maaari kong gawin habang nasa poder pa ako ng mga magulang ko.

Ngunit nanibago ako. Hindi siya tulad ng inaasahan ko. Ayos lang naman ang trabaho, pati mga tao doon. Ayos din ang location nung opisina. Pati sahod, ayos na rin sa akin (ngunit kung ang nanay ko ang tatanungin--- wag na. Hindi naman siya ang nagtatrabaho). Wala pang dress code. Pwede kang pumasok ng naka-tsinelas at shorts araw-araw. Saan ka pa?

Ngunit pakiramdam ko, nawala yung pagka-ugnay ko sa masa (na hindi naman talaga ganun katatag to begin with, which is why I decided it's about time I worked on it, starting with working for a job I deem as "acceptable"). Na hindi pala ito ang "dream job" ko.

Nalilito ako, walang makausap tungkol sa bahaging ito ng buhay ko. Hindi lahat mapagkakatiwalaan tungkol dito, at hindi naman lahat makapagbibigay ng akmang payo. Alam ko kung sinu-sino ang makakausap ko tungkol dito, ngunit hindi ko sila mahagilap lahat. Gawain.

Nakatulong kahit papaano ang pakikipag-harap ko sa ilang tao na ito malipas ang ilang araw, at kahit papaano naman ay nakatulong sila, kahit na parang usapang lasing ang naganap. Ngunit hindi pa rin napanatag ang loob ko.

Hindi ko aakalain na ang nakapagdulot ng ligalig sa akin ay siya ring sagot. Oo, sa trabaho ko rin natagpuan. Figures.

May pinagagawa sa akin sa isang Powerpoint file, kaya binuksan ko ito. At dahil mag-isa lang ako nun, nagpapatugtog na rin ako ("Duyan ng Digma") habang tinitignan yung file. At yun, walang warning, BOOM, sumambulat sa akin ang dahilan kung para kanino ko ito ginagawa, kung sino ang pinaglilingkuran ko.

Mga larawan ng scholars ng NUJP ang nakita ko. Sila'y anak ng mga slain journalists, at tumutulong sa pagpa-paaral ang NUJP sa kanila. Silang mga musmos na nawalan ng magulang dahil sa skewed sense of justice ng mga makapangyarihan. Mga pag-asa ng bayan na sa maagang pagkakataon, nakaranas ng dahilan kung bakit maraming kababayan nila ang nawalan na ng pag-asa sa Bayan.

Naluha na lang ako. Wala na akong maisip kundi, "Putangina nila, tangina nila. Ito ang mga biktima. Ang mga batang walang alam. Tangina nila." Habang umiiyak ako. Putangina nila.

Sila ang masa sa larangang ito. Sila ang biktima. Ang api. Ang dukha. Ang pinagmalupitan. Ang pinag-nakawan. Wala na silang pinag-kaiba sa mga manggagawang pinatay dahil sa paghingi ng kakaunting pagtaas sa kanyang sahod, o ng magsasakang pinaslang dahil "ang lupa ang dahilan."

Nakahanap ako ng isang matatag na rason. Nakita ko na rin ang mukha niya, at alam ko na ang pangalan niya. Naibsan ang tunggalian sa loob ko. At kahit ano pa sabihin ng nanay ko ("Siyempre, papatayin sila, e lagi ba naman nagki-criticize..."), buo pa rin ang loob ko. Napanatag na ito.

Hindi na ako naliligaw.

3 comments:

Tsarlz said...

masayang malaman ang pakay o patutunguhan ng iyong kinalalagyan. sadyang may mga bagay na kusang nagpapakita sa paglipas ng panahon

Katherine Aguas said...

May mga pagkakataong nakapanghihina ng loob ang bawat araw na lumilipas. Oo nga. Kaya yan! Kaya natin.

janie_wanie said...

ikaw na rin ang nagsabi, hindi ko man maintindihan ngayon, maiintindihan ko rin.