4/07/2007

Pagtatapos

Ayan. Ako'y nakapagtapos na sa kolehiyo nung nakaraang buwan. Wala akong espesyal na karangalan na natanggap. Hindi tulad nung nakaraan kong pagtatapos, na may loyalty award pa akong natanggap. Haha.

Wala akong hinanakit dito, ang kawalan ng karangalan sa loob ng skwelahan. Matagal na akong namulat sa katotohanang hindi lang naman sa loob ng skwelahan maaaring magkaroon ng karangalan. O na ang karangalan sa loob ng skwekalahan ang pinakamahalaga.

Nakapagtapos ako sa takdang panahon na apat na taon, kahit na lumipat ako ng skwelahan nung nasa ikalawang taon ako sa kolehiyo. Itong pagtatapos mismo, ito'y tagumpay. At karangalan na rin.

Ngunit, wala akong maramdaman na tagumpay. Pasasalamat lang at relief na ako'y tapos na sa kolehiyo. Hindi ko na kailangan muling bumalik sa apat na sulok ng klasrum kung nanaisin ko, at makipag-tuos sa mga guro. At alam ko, given ang track record ko, hindi lang ako ang nagpapasalamat.

Wala akong nadaramang tagumpay sa pagtatapos. Hindi ko nararamdaman na tapos na ako sa paghihirap. Dahil alam ko, kung sinu-sino man ang nakatunggali ko sa aking pag-aaral, ay sila pa rin ang makakasagupa ko sa labas. Mga matatalinong taong nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Mga taong nagmamarunong ukol sa totoong estado ng lipunan. Mga taong walang pakialam sa nagaganap sa kapaligiran, basta may panggastos sila gimik, pang-toma at pang-yosi nila. Mga taong gumagawa ng sarili nilang mundo para makalayo sa hinaing ng api.

Nasaan ang tagumpay? Hindi ko makita, hindi ko maramdaman. Patuloy ang pang-aapi, ang pang-aabuso. Patuloy ang pag-kuha at pag-patay ng gobyerno sa mga mulat na mamamayan. Patuloy ang militarisasyon sa kalungsuran at kanayunan. Patuloy ang lokohan. Patuloy ang karahasan. Patuloy ang pag-labag sa karapatan ng Sambayanan.

Hindi ko nararamdaman na ako'y tapos na sa pag-aaral. Sa loob siguro ng pamantasan, oo. Pero ng lipunan, ng masa, hindi pa. At hanggang sa huling hibla ng hininga ko, ako'y nag-aaral pa rin: nag-aaral kung paano gumagana ang kasalukuyang sistema, at kung paano, sa wakas, ito'y maibabagsak at mapapalitan.

4 comments:

Tam_bolero said...

Tagumpay na mismo ang pagtahak mo sa landas ng (ehem) "pakikibaka(?)", Trina. Hmm... 'Wag na lang "pakikibaka", ano na lang, ahh... "pagtuwid sa baluktot na sistema ng lipunan." Ayan. haha

Congrrrachuleyshuns!!!

Painom naman diyan! =P

etsapwera said...

Ganun din yun. ;p

Tam_bolero said...

Eh yung una kasi masyadong A.S. ang dating. haha

etsapwera said...

Yes Oshti. Now you got my point.