2/20/2007

Asteeeg!

2/11/2007

Pagbabalik-tanaw

Sabi ko sa sarili ko nung summer, "Buong buhay ko tinahak ang Aurora (at Katipunan) nung nag-aaral ako. Ngayon, sa OJT ko, EDSA naman." (Ang drama nga talaga.)

----------------------

Kelan nga ba ako huling nakabalik sa lugar kung saan ako namulat na hindi pa talaga ako mulat? Huli akong nakabalik dun, nung nakaraang semestre nga, ngunit hindi ako nakarating sa hayskul. Sa college ang punta ko dahil may ibinigay ako sa kabarkada ko para sa CEGP (hello, AG ;p). Ang huling balik ko sa hayskul, nung unang buwan sa unang taon ko sa kolehiyo. Antagal na rin pala.

Iniisip ko kanina, nais ko pala makita muli ang Miriam. Tinamaan siguro ako nitong pagnanais na ito dahil sa paghahanap ko sa Google ng mga guro ko noon (bakit ko ginagawa ito? Dahil wala akong magawa, at nahihirapan ako sa script namin). Nagulat ako, dahil may account pala sa prendster ang isang guro ko sa inggles noon. Yun nga lang, mga estudyante niya ang nagme-maintain nung account.

Tamang-tama. Naka-usap ko si Dani. Pupunta raw sila sa Friday ng linggong ito (akalain mo). Kaya ayun, eto, mukhang pupunta na nga ako dun sa Friday.

Ano ba ang inaasahan kong makita doon? Wala naman. Dahil ang gusto ko lang naman ay balikan ang isang lugar na nagsuplong sa akin noon. Nais ko lang masabi sa sarili ko, "Dito. Dito ka nagpupunta noon tuwing nais mong magsulat. At dito ka naman naglalakad tuwing nais mong makalayo sa mga tao. Dito naman kayo nakatambay noon nung pinatawag kayo ng principal niyo dahil nakikialam daw kayo sa kontraktwalisasyon na nagaganap..." Nais kong makita muli ang mga gusali, halaman, at daan na nagsilbing mundo ni Trina nung hayskul.

Iisa lang ang nais kong makita: si Trina. Yung Trina noon na maputi, maikli ang buhok, na galit sa mundo, na ang nais lang sa buhay ay ang magsulat nang magsulat nang magsulat. Nais ko siya ipakilala sa Trina ngayon. Nais kong makita ang reaksyon niya.

Post para sa sarili

Trina, ano na ba ang nais mong mangyari sa buhay mo? Ano na ba ang gagawin mo pagka-gradweyt mo? Ano na plano mo?

(Trina, mag-comment ka ngayon na. Urgent!)

2/07/2007

Hindi dugo ang batayan

May hangganan din ang pagtitimpi.

Ang api ay hindi mananatiling api.

Ang kimi ay hindi mananatiling kimi.

Lalaban din ako. Magtataas din ako ng kamao.

Aalma ako sa iyong mga salita. Papalag ako sa iyong dahas.

Hindi sa lahat ng oras ilulugmok mo ako sa putik. Hindi habang panahon yuyurakan mo ang pagkatao ko.

Lalaban ako. Dahil tama ito.

Lalaban ako. Dahil nais kong isalba ang katiting na respeto na natitira pa para sa sarili ko.

Lalaban ako. Gagawin ko ito hindi dahil kahit kailan, hindi ko naramdaman ang pagiging ina mo sa akin, ngunit dahil nilalabag mo ang aking mga karapatang-pantao.

Ang pagiging ina sa isang tao ay hindi lamang nasasabi buhat sa kung sino ang nagluwal sa iyo sa mundo. Ang paghubog mo sa kanya upang maging mabuting mamamayan; ito ang gawain ng tunay na ina.

Mas matimbang nga ang dugo kaysa sa tubig; ngunit mas matimbang sa dugo ang respeto, aral, tiwala, dignidad, at suporta na ibinigay mo sa iyong anak. Dahil hindi dugo ang batayan.