1/25/2007

the little kid fights back

T-shirt: Part 1
(Upon seeing a shirt with a party-list logo printed in front)

Nanay: Ano ito?
Trina: T-shirt po.
Nanay: Hindi, ano nakalagay?
Trina: Kabataan Party-list po.
Nanay: O, e ano naman yan?
Trina: E di party-list po. Sila po bale yung representatives naming youth sa Congress, 'pag nanalo sila. May taga-paglaban na kami sa Kongreso!

T-shirt: Part 2
Nanay: Ano uli pangalan ng t-shirt mo na yan?
Trina: Wala po pangalan yung t-shirt.
Nanay: Hindi; ano yung nakalagay?
Trina: Ano nga po, Kabataan Party-list. Yung only youth party nga lang po sa Pilipinas.
Nanay: (smoke coming out of her ears) Hindi ko marining na sumasali-sali ka sa mga rally niyan, ha!
Trina: Wala pa nga po akong ginagawa, may warning na agad ako. Hindi pa nga po ako kumikilos, pinagagalitan na ako!

Mesa
(Nagliligpit si Trina, habang pinagagalitan siya ng nanay niya)

Nanay: Ikaw, dahil babae ka, dapat marunong ka maglinis sa bahay. 'Pag nakapangasawa ka ng barumbadong lalaki, baka bugbugin ka lang 'pag di ka marunong mag-linis!
Trina: Marunong naman po ako maglinis e. Tsaka kung ganun, e di bugbugan na lang po kami.
Nanay: A ganun. Sinasabi mo lang yan. At babae ka. Dapat talaga ang babae, naglilinis ng bahay!
Trina: Hindi lang dapat babae! Dapat ang lalaki, marunong din kumilos sa bahay. Hindi lang dapat babae!

1/05/2007

2007 na nga

Matagal-tagal din akong nawala. Matagal-tagal na hindi nakapag-sulat sa blog. Naisip ko, ito ay marahil sa masyadong personal ang mga naganap sa akin sa nakaraang buwan na nawala ako sa pagsusulat dito. Kailangan kong pagnilay-nilayan ang mga nangyayari, at sa aking palagay, hindi dito ang tamang lugar para dun.

Ito ang isa sa mga hindi masyadong personal na sulatin ko, ang mga natutunan ko sa taong 2006 (sige na, makikigaya na ako sa iba. Magpapaka-sell out na ako. Yahoo!):

1. May mga matatalinong tao na tanga— o nagtatanga-tangahan.

May concrete proof ako nito. Ang taong ito ay pinupuri ng iba na matalino. Tinitingala siya dahil dito. Ngunit, strict siya. Kung tutuusin, tinatahak na niya ang landas ng pagiging “terror.”
Matagal nang sinasabi ng ibang tao na, “Let go, Trina. Wala siyang kwenta. ‘Wag mo na patulan, hayaan mo na.” Sa simula, madaling gawin ito. Paglagpas ng ilang araw matapos ang thesis defense (proposal at final), madali kong nagawa ito. Ngunit paglabas ko ng apat na sulok ng klasrum, pagtapak ko sa Aurora, nakikita ko ang kahibangan ng statement niya na, “But the Philippines is a good payer of foreigh debt.” Pero, at what cost? At what cost? Mataas nga ang credit rating natin, pero ano naman ang katumbas nito?

Ilang silid-aralan ang hindi naipatayo dahil inuuna pa ang pagbayad sa foreign debt? Ilang textbooks ang hindi ipinamahagi dahil sa kulang ang budget? Ilang fortified na tinapay at gatas ang hindi nakain ng mga batang pumapasok na walang almusal?

Ilang probinsiya ang nagtitiyaga sa lubak-lubak at maalikabok na “kalsada”? Ilang libo ang namamatay dahil wala silang paraan upang makabili ng murang gamot?

Ilan sa 85 million na Pinoy sa ‘Pinas ang nahihirapan sa pagbabayad ng utang na hindi naman sila ang gumawa? At ilan sa 85 million ang nakikinabang?

Ayos lang kung sa tingin niya ay walang kwenta ang study ko. Ayos lang na sabihan niya ako ng tamad. Pero ang hindi ko matanggap (hanggang ngayon), ang hindi ko masikmura, ay ang pag-iisip na okay lang mahirapan ang Sambayanan, mabayaran lang ang foreign debt. (Isang tao lang ang tinutukoy ko. Ngunit kung matamaan ka nito, para sa iyo na rin ito.)


2. “The Universe always conspires to help the dreamer.”

Lalo na kung desidido ka sa gagawin mo. At lalo na kung handa kang ipaglaban ito kahit kanino— kahit sa mga magulang mo.

3. “The bond that links your true family is not one of blood, but of respect and joy in each other’s life. Rarely do members of one family grow up under the same roof.” –Richard Bach

Nag-iba na nga kami mula nagtapos kami ng hayskul. At tinahak ang kanya-kanyang landas. Nakalulungkot isipin ito nung una, ngunit dapt ito tanggapin na kailangan ito upang lumago ang isang tao. At kahit na medyo nakalulungkot na sa iba’t-ibang skwelahan kami napadpad (na ginugulo namin sa aming munting paraan), nakatutuwa isipin na unti-unti naming naaabot ang aming mga pangarap. At kahit papaano, may oras pa rin kami para mag-McDo. ;p

4. “We are more alike than we think… and that we realize this as we grow older.” –paraphrased Mavic

Natuklasan ko na ang kapatid ng kr ko ay guro pala ng isa kong kaibigan (na kaklase ko rin nung hayskul) ngayon sa kolehiyo. At siya rin pala ay kaklase sa isang klase sa kolehiyo ng isa ko pang kaibigan (na kaklase ko rin nung hayskul).

Ang theory ng kaibigan ko, may tendency raw tayo na “mag-gravitate” sa mga bagay na mahal natin. Kaya “nago-overlap” yung mga “social circles” natin ay dahil may mga bagay na pare-pareho nating mahal. Nare-realize lang natin ito sa ating pagtanda.

Ang theory ko? Wala. Pero may comment ako: hindi ko kinailangan ng Friendster para ma-realize ang connections na ito.

5. a) Malayong kamag-anak ko pala sina Henry Sy at Lucio Tan (take note: malayo).
Walang moral lesson dito. Natutunan ko lang na magkamag-anak din pala silang dalawa.

b) Kamag-anak ko pala ang isa kong kabarkada nung hayskul.
Apparently, kapag sa iisang probinsiya sa China nanggaling ang ninuno ninyo, magkamag-anak kayo. Ang joke tuloy namin ngayon, e hindi namin alam kung alin ang hindi namin mas matanggap: na magkamag-anak kaming dalawa, o na kamag-anak pala namin ang dalawa sa pinakamayayaman na kapitalista sa Pilipinas. Ayos.

6. May mga bagay na mas mahalaga kaysa sa mga gawain pang-skwela.

Matagal ko nang alam. Todo nare-inforce talaga this year. Kaya siguro laging nakatatak sa utak ko ang mga ito:

“I have never let my schooling interfere with my education.” –Mark Twain

“Iba ang talino hango sa lansangan; ang tunay na guro ay karanasan! Ano ang silbi ng yaring aklat sa paaralan, kung ang paligid ay bulag naman?”

7. Ngunit natutunan ko rin na hindi lahat ng itinuturo sa skwelahan ay basura.

Kahit papaano, may mga natutunan ako sa skwelahan na sigurado akong magagamit ko sa labas. Marami rin akong napulot na kwento, yung mga tipong pwedeng maging maikling kwento o tula. Yung ibang kwento naman, nagpalago sa pagkakakilala ko sa lipunan. May natutunan din ako kung ano ang gagawin sa mga panahong hinahamon ako ng pagkakataon. ‘Ika nga sa ROTC, “Training din yan!”

Natutunan ko rin na kahit gaano man nakasusuya ang pag-aaral, parating may mga taong handang mang-aaliw sa iyo. Kung hindi ka man maaliw, handa naman sila makiramay na lamang sa’yo.

8. Hindi lahat ng kailangan mong matutunan para mabuhay ay matututunan mo sa loob ng silid-aralan.

Yun lang.

9. Hindi lahat ng rebolusyon ay may ideolohiya.

Hindi pala. Ito ang na-realize ko pagkatapos panoorin ang “V for Vendetta.” Minsan (o siguro, kadalasan), nagbubuklod-buklod ang mga tao para sa iisang hangarin. Kalayaan. Kapayapaan. Pagpapatalsik sa diktador.

Dahil sa iisang hangarin na ito, nagsasama sila, at kumikilos bilang isa. Tulad ng EDSA I at II. At pati yung rebolusyong naganap sa pelikula. At nagtagumpay naman sila dahil sa pagkaka-isa nila.

Ngunit pagkatapos nilang malasing sa kanilang tagumpay, ano na? Andayn pa rin ang bagsak na ekonomiya, malnourished na mga bata, tiwaling opisyal, atbp. Ano ba ang nagawa nila, kundi palitang ang namumuno sa bulok na sistema?

Rebolusyon pa rin ang sagot. Ngunit hindi basta-bastang rebolusyon. Dapat, rebolusyong may ideolohiya.

10. Ang sistema ay hindi masyadong malaki para hindi natin kayanin na baguhin ito.

Laging may daan. Laging may paraan. Basta may masiding nagnanais ng pagbabago. Ng katarungan. Ng kalayaan. Basta may inaapi. Inaabuso. Binibiktima.

Nababago ang sistema, ngunit hindi ito kusa o madali o mabilis. Nasa sa atin ang desisyon ukol sa pagbabago nito. Nasa sa atin ang pagpapasiya, kung tayo ba ay lalahok sa pagbabago ng sistema o magpapakain na lamang dito.