8/28/2006

"Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan..."

Wala. Walang silbi ang karansang ito. Dahil hindi lahat ng karanasan ay mapupulutan ng aral. Minsan, may mga nararanasan ang isang tao dulot ng kalupitan ng sistemang nananaig sa lipunan.

Wala akong mapupulot na aral sa karanasang ito. Yung tipong aalahanin ko na aral araw-araw, dahil may angking wisdom ito. Ang tanging natutunan ko lamang, na ang aking karanasan ay isa lamang sa libu-libong manifestation ng isang hindi-makatarungan lipunan. Kaya lalo dapat mag-sikap na baguhin ito. Dahil kung ako (na burgis ang pinanggalingang-uri) ay nakararanas nito, malamang na may libu-libong dumaranas nito. At mas malala pa ang degree na nararanasan nila.

Tulad ng mga mamamayan sa Gitnang Luzon na dumaranas ng batas militar sa ilalim ni Palparan. Hinahanapan ng ID o sedula ang mga tao doon. Kung wala kang maipakita, automatic, markado ka na. Pinapipirmahan ng logbook araw-araw. Kapag hindi ka naka-pirma sa logbook na ito ng isang araw, markado ka na rin. NPA ka na agad.

At may gana pa siyang sabihin na kasalanan ng mga tao na naninirahan doon kaya siya nagpapataw ng ganoong batas? Na kesyo may ID talaga sila na dapat bitbit (kahit na bibili ka lang ng suka sa suking tindahan mo). Na kesyo hindi raw sila dapat nagsusuplong ng mga NPA (kahit na hindi na magkasya sa sariling pamilya ng mga magsasaka doon ang ikinakain nila, ipakain pa kaya sa iba). Na kesyo ginagawa lang niya ang trabaho niya, bakit ang daming nagagalit (kahit na abusuhin na niya ang kapangyarihan niya, wala pa dapat magreklamo?).

Walang kwentang karanasan dahil sa walang kwentang taong halang ang bituka.

8/16/2006

Estudyante blues

Estudyante ka; dapat pag-aaral lang ang inaatupag mo.

Ilang beses ko na bang narinig ito, at ilang beses pa bago ako mag-martsa sa Marso (sana).

Ayoko na. Ayoko na marinig ito muli. Sawang-sawa na ako, pati sa mga kahawig na ibig sabihin:
1. Mag-aral ka muna. Pag-gradweyt mo, tsaka mo na gawin yan.
2. Dapat pag-aaral lang ang inaatupag mo, dahil nagkakandahirap ang tatay mo sa pagpapa-aral sa iyo.

Bakit ba ang estudyante dapat nag-aaral lang? E ang estudyante ba, sa skwelahan lang pumupunta? Hindi ba tao rin ito, at may iba pa siyang ginagampanan sa buhay?

Tulad ko. Hindi lang naman ako estudyante. Manunulat din ako. Anak. Kapatid. Ka-relasyon. Kaibigan. Pintor minsan. Athlete minsan. Photographer.

At hindi lang sa academics ako may dapat na gampanan na mga tungkulin. May dapat din akong tupdin sa publikasyon. Sa bahay. Sa ka-relasyon ko. Sa mga kaibigan ko. Sa teammates ko. Sa sarili ko. Sa lipunan. Sa mga api.

Kaya hindi ko matanggap tuwing sinasabihan ako na estudyante lang ako. Puro aral lang dapat. Gusto kong sabihin, "Hindi! Dahil tao muna ako bago maging estudyante. At bilang tao, naghahanap ako ng katuparan sa lahat ng aspeto ng buhay ko, hindi lang sa skwelahan. Naiintindihan mo ba iyon? Tao muna ako!"

Hindi naman ganyan ka-drama, pero yan din ang ibig kong sabihin. Hindi ko lang talaga matanggap na lumagay lamang sa skwelahan. Siguro dahil likas na makati ang paa ko. O dahil likas sa akin ang paglalakbay. O dahil sa hindi ko kayang magbingi-bingihan sa konsensiya ko.

At dahil nabuburyong na rin ako sa dami nang ipinapagawa sa skwelahan, at ang rason nila e dapat sa amin, "Skwelahan lang ang inaatupag."

May mali talaga. May mali talaga sa sistema natin ng edukasyon.

Coherent ba ang post na ito?