6/06/2006

Isang araw

Ito ay dala ng isang simpleng tawag. Isa. Simple.

Tinutulungan kong sagutan ang board exam reviewer ng kr ko nang may tumawag sa kanya. Naturalmente, dinampot niya yung mobile phone niya, at sinagot ang tawag.

Dito nag-iba ang lahat. Hindi na siya simple. Dahil ininggles niya ang kausap niya. Oo, ininggles.

Ganito kasi yun. Hindi pala-inggles ang kr ko. Mas pala-inggles pa ako sa kanya. Wala naman masama kung mag-inggles siya, kaso iba ang inggles niya. May accent. Malanding accent. Accent na kahit ako (na aminadong mas konyo sa aming dalawa, dala na rin ng pagpapalaki sa akin) e wala.

Tibak na may malanding accent tuwing nag-iingles?!! Exactly my point.

Yun na nga. Isa lang ibig sabihin nun: may nag-iinterview na naman sa kanya na kumpanya. Kaya naghintay na lang ako, nagpipigil ng tawa. At dahil kilalang-kilala na niya ang ugali ko, tumalikod siya. Baka siguro mapatid siya sa sinasabi niya, at maubusan siya ng inggles.

Natatawa ako kasi liban sa nagsasalita siya ng inggles na may malanding accent, nage-entertain pa rin siya ng mga ganoong klaseng tawag kahit na may trabaho na siya. Hirap maging in-demand.

Maya-maya, pagkatapos ng tawag, pinag-uusapan na niya at ng kanyang dalawa pang ka-batch ang naganap na tawag. Ano yung pangalan ng kumpanya. Saan yun matatagpuan. Ano ginagawa dun. Magkano ang ibibigay na sahod. Atbp.

Pinagtatawanan na rin nila yung naganap. Dahil nga may trabaho na silang tatlo, kaya't hindi na nila talaga tatanggapin yung kung anumang offer ang ibigay ng mga kumpanyang tatawag pa.

"Collect and collect." Yun yung narinig kong term na nagamit sa usapang yun. Mangolekta lang nang mangolekta ng kumpanyang nag-aatubiling tawagan sila, tsaka pumili. Highest bidder ata ang istilo.

Tulad ng sabi ko kanina. Hirap maging in-demand. Dahil sa usapang nila yun, naalala ko ang ibang mga katatapos lang din tulad nila na napupudpod ang mga sapatos sa paghahanap ng kahit anong klaseng trabaho, basta kumita lang. Kahit wala nang koneksyon sa kurso nila, basta trabaho, ayos na. Dahil sobrang hirap mag-hanap ng trabaho.

Lalo na sa mga hindi nakapag-tapos dahil naubusan ng pambayad sa matrikula. O ang mga hindi nakapag-tapos sa mga skwelahang hinahabol ng mga kumpanya. Lalo na sila. Nagkakasya na lamang sa sahod na naisip ng administrasyon na dapat ibigay sa kanila.

Sa aking palagay, hindi naman mali ng kr ko (at ng mga ka-kurso niya) na yun ang pinili nilang kurso. Kung yun ba naman ang hilig nila e. Dahil hindi naman nila kasalanan na malaki talaga ang kinikita ng mga propesyunal sa field nila. Lalong hindi rin nila kasalanan na sila pa ang hinahabol ng mga kumpanya, dahil man sa kurso, sa skwelahan, o pareho.

Sa aking palagay pa rin, hindi rin naman mali ng ibang hindi nagtapos sa skwelahan o kursong hinahabol ng mga kumpanya ang kapalaran nila, na hirap nga sila sa paghahanap ng trabaho. E sa doon ang hilig nila e.

Ang mali e napipilitan ang ibang mga estudyante na mag-enroll na lamang sa kursong sa tingin nila e mataas ang sahod, kahit na hindi talaga nila masikmura yun. Kahit na sa tingin nila'y hindi naman sila makakatulong sa kapwa nila, o sa lipunan.

O na ang ginagawa niyang trabaho ay walang koneksyon sa pinag-aralan niya. Na wala siyang magawa dahil hindi siya makapipili ng trabaho.

Mali rin na imbes na sinosolusyunan ng gobyerno ang maling ito, e sinusulsulan pa ang ganitong sistema. Imbes na gumawa ng paraan para magkatrabaho ang mamamayan, e iniiba ang depinisyon ng "unemployment" para mas kaunti ang mapabilang sa grupong ito.

Na imbes na sinusuportahan ang lokal na industriya para maparami ang trabaho dito sa Pinas, e pinupuri pa ang sistemang export-oriented, na kung saan, mga Pinoy at Pinay na ang ginagamit ng bansa bilang pang-kalakal.

Na imbes na mahasa ang lakas at talino ng mga nagsitapos, e hinahatak sila pababa sa pamamagitan ng sapilitang pagtrabaho sa mga industriyang walang koneksyon sa pinag-aralan nila dahil yun lang ang pwede nilang pasukan.

Na imbes na makatulong sa produksyon ng Pilipinas e, pinalalala pa nito ang kalunos-lunos na estado nito sa pamamagitan ng pagbigay ng suporta, tulad ng pera at papuri, sa mga industriyang hindi naman akatutulong sa lokal na produksyon.

Mali, dahil kung makatarungan at maka-tao ang sistema sa lipunan natin ngayon, walang hindi nakakapag-aral, walang nagugutom, at walang naghihinagpis.

At wala ring nagrerebolusyon!

No comments: