6/13/2006

Ayoko na mag-aral

Ayoko na mag-aral. Sawa na akong pumapasok sa skwelahan na kung saan isyu ang pag-suot ng ID lace na hindi binili sa skwelahan. Sawa na ako sa pakikipag-tunggali sa mga gurong hindi makasundo sa prinsipyo. Sawa na ako sa pag-aaral ng mga aralin, na kahit mga guro namin ang nagsasabi na baka hindi naming magamit sa labas ng skwelahan.

Sawa na akong pag-isipan kung ang gagawin kong bagay e maaaring maging dahilan para mapatalsik na ako sa paaralan. Sawa na akong tumingin at manood na lamang sa mga nagaganap na mob dahil hindi ako sigurado kung hindi ako mapapatalsik kung sumali ako nang naka-uniporme.

Sawa na akong asikasuhin ang schedule ko sa Registrar, o ang tuition ko sa Finance. Sawa na akong isipin base sa regform namin kung bakit nag-taas ang tuition muli sa semestreng ito. Sawa na ako. Kung hindi lang dahil sa mabigat na responsibilidad ko sa publikasyon namin, hindi na talaga ako mage-enroll uli.

Sige. Hindi naman sa sawa na akong mag-aral. Sawa na talaga ako sa pag-aaral sa loob ng skwelahan. Sa loob ng masikip na apat na dingding ng klasrum. Kung saan kahit na malamig dahil sa aircon, ayoko pa rin laging andun. Dahil malamig at maliit. Mas gusto ko sa kalsada, naglalakad, nararamdaman ang init ng araw sa balat ko. Nararamdaman kong buhay ako. Dahil sa aircon, sa sobrang lamig, namamanhid ang mga daliri ko.

Hay buhay. Kung kailan ka pa nga naman ga-gradweyt, tsaka mo pa nararamdaman ang ganito. Isang taon na lang, sinasabi ko sa sarili ko. Isang taon na lang, linlangin mo na lang ang sarili mo na sandali lang yun. Kaya mo yan. Nakayanan mo ang dalawang taon sa paaralan na yan. Matatapos din yan.

Hindi na kasi tungkol sa uniporme e. Nung hayskul, akala ko pangit mag-aral ng kolehiyo sa isang skwelahang may uniporme at puro babae lang ang kamag-aral mo. Buong buhay ko kasi, simula sa nursery, doon na ako nag-aaral. Hindi ko naiintindihan noon na may mga mas pangit pala maranasan. Tulad ng campus repression. Yun bang hinihigpitan kayo sa kilos o bagay na nais niyong gawin. Kahit na karapatan niyo bilang mamamayan na gawin ang bagay na ito.

Kundi lang talaga dahil sa mga taong nakapaligid sa akin e tumigil na ako. Matagal na. Paulit-ulit lang nila ipinapaliwanag na may mga responsibilidad pa akong kailangang gampanan sa pamilya ko, at di ko ito magagawa kung titigil ako. Na dapat patuloy ang pag-aaral sa loob at labas ng klasrum. Na hindi lahat may pagkakataong makapag-aral.

Ewan. Sawa na ako. Gusto ko na mag-aral sa labas ng paaralan. Sa labas, as in hindi tulad ng sinasabi ng kaklase ko na tulad sa mga public school. Nagkukulang sila sa mga klasrum, kaya yung iba sa labas nito nagkaklase. Hindi ganun. Gusto ko mag-aral ng mga paksang hindi nilalahad sa klase. Ng mga paksang gabay sa patuloy na pakikibaka at pagkilos para sa malayang Bayan.

Buhay nga naman. Kung buhay ka, papatayin ka ng sistema. Kung patay ka na, paparangalan ka at tatawagin kang santo. Dahil wala ka nang maling magagawa. Dahil matigas na bangkay ka na.

Ayoko na!

7 comments:

Tsarlz said...

natututunan sa skwelahan ang mga bagay na kailangan ng bayan kapag lumaya na ito.

etsapwera said...

Matagal pa yun e. ;p

Tsaka anu-ano exactly ang matututunan mo sa educational system natin ngayon na pwedeng i-apply doon?

Tsarlz said...

pano kung lumaya na bukas? paano magkakaron ng nationalist industrialization? paano makatutulong ang mass media upang mapalaganap ang kaisipang mapagpalaya? :P

Warlito Guerrero said...

dapat may positibong dahilan ang paglabas mo sa nakakahong eskwelahan. malaking bagay kung lalabas ka dahil may tutugunan kang masa mataas na responsibilidad--sa kilusan.

Warlito Guerrero said...

Paalala lang, tunay na hindi piging ang pagsusulong ng pagbabago. At lalong hindi dalisay ang bawat aspeto ng pagkilos. Ang kilusan ay mikrokosmo rin ng lipunan, mayroon pa ring mga kahinaan na dapat bakahin. Paalala lang ito dahil may mga kilala ako na niroromantiko ang pagkilos, kaya't sa mahinang hagupit ng unos palamang ay may kimkim ng sumbat at galit sa kilusang nagmulat sa kanila.

Anonymous said...

parehas tau ayoko na ring mag aral.

Anonymous said...

ayoko na rin mag aral dahil sa bulok na sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas