6/26/2006

Bakit nga pala progressive?

Wala lang. Naalala ko lang. Itinanong kasi nung Sabado sa amin yun. Ano raw ang ibig sabihin ng salitang progressive.

Naalala ko tuloy nung papunta kami ng Bicol last month. Humirit yung nanay at tatay ko na "Progressive na pala ang lugar na ito, ano?"

Nagulat ako. Hindi ko maalala kung saan yun exactly (kung Bicol ba o Quezon), pero alam ko na sa area na yun ay aktibo ang kilusan. Todo-suporta rin ang mga tao doon. 'Ika nga ng kr ko, "Ang daming nakasulat na certain dun."

So alam nila ang ibig sabihin ng progressive? Paano? Gulung-gulo at litung-lito ako nun. Akala ko kasi talaga e wala nang pag-asang imulat ang nanay ko. Meron pa pala.

Pero kumusta naman. Ang tinutukoy pala nila e yung mga bangko tsaka sasakyan sa lugar na yun. Yun pala ang ibig sabihin nila nang progressive. Oo nga pala. Yun ang tipikal and mainstream definition ng progressive.

Tanong: Bakit nga ba nagka-ganun? Saan nga ba nanggaling ang depinisyon ng progresibo (aktibong kilusan, mapusok, para sa masa, atbp)? Ano ang konteksto nito?

Sagot: Hindi ko alam. Pero, sa tingin ko, ganito yun: kaya siya tinawag na progresibo dahil sa pasulong ang momentum niya.

Paano naging pasulong? Dahil kung titignan ang kasaysayan, may pattern na sinusundan. Feudalism. Capitalism. Socialism. Communism. From left to right. Feudalism to Communism. Kumbaga, communism ang pinnacle ng evolution. Dahil ang naghaharing-uri na rito ang proletaryat.

Sa feudalism kasi, may tunggalian na nagaganap sa pagitan ng pesante at panginoong may lupa (PML). Kapag na-resolba na ito, aakyat naman ang lipunan sa sistemang capitalism. May tunggalian pa rin: sa pagitan naman ng kapitalista at manggagawa. Kapag nagwagi ang uring manggagawa, sila na ngayon ang may hawak nang kapangyarihan. Rebolusyon ng proletaryat. Ito ay ayon sa pagkakaintindi ko.

Pasulong, dahil hangga't may nagtutunggaling uri, magbabago't magbabago ang lipunan. Habang may nagtutunggali, magbabago ang lipunan upang mabuo ang isang lipunan na kung saan, wala nang nagtutunggali. Magtutunggali ang thesis at antithesis upang magkaroon ng synthesis. At maya't-maya'y ang synthesis ay magiging thesis, at may susulpot na antithesis, at sila ay magtutunggali hangga't may mabuo muli na synthesis.

(Ewan. Naisulat ko lang naman ito dahil hindi ko maalala yung sagot sa tanong na, "Ano ang ibig sabihin nang progressive?".)

6/13/2006

Ayoko na mag-aral

Ayoko na mag-aral. Sawa na akong pumapasok sa skwelahan na kung saan isyu ang pag-suot ng ID lace na hindi binili sa skwelahan. Sawa na ako sa pakikipag-tunggali sa mga gurong hindi makasundo sa prinsipyo. Sawa na ako sa pag-aaral ng mga aralin, na kahit mga guro namin ang nagsasabi na baka hindi naming magamit sa labas ng skwelahan.

Sawa na akong pag-isipan kung ang gagawin kong bagay e maaaring maging dahilan para mapatalsik na ako sa paaralan. Sawa na akong tumingin at manood na lamang sa mga nagaganap na mob dahil hindi ako sigurado kung hindi ako mapapatalsik kung sumali ako nang naka-uniporme.

Sawa na akong asikasuhin ang schedule ko sa Registrar, o ang tuition ko sa Finance. Sawa na akong isipin base sa regform namin kung bakit nag-taas ang tuition muli sa semestreng ito. Sawa na ako. Kung hindi lang dahil sa mabigat na responsibilidad ko sa publikasyon namin, hindi na talaga ako mage-enroll uli.

Sige. Hindi naman sa sawa na akong mag-aral. Sawa na talaga ako sa pag-aaral sa loob ng skwelahan. Sa loob ng masikip na apat na dingding ng klasrum. Kung saan kahit na malamig dahil sa aircon, ayoko pa rin laging andun. Dahil malamig at maliit. Mas gusto ko sa kalsada, naglalakad, nararamdaman ang init ng araw sa balat ko. Nararamdaman kong buhay ako. Dahil sa aircon, sa sobrang lamig, namamanhid ang mga daliri ko.

Hay buhay. Kung kailan ka pa nga naman ga-gradweyt, tsaka mo pa nararamdaman ang ganito. Isang taon na lang, sinasabi ko sa sarili ko. Isang taon na lang, linlangin mo na lang ang sarili mo na sandali lang yun. Kaya mo yan. Nakayanan mo ang dalawang taon sa paaralan na yan. Matatapos din yan.

Hindi na kasi tungkol sa uniporme e. Nung hayskul, akala ko pangit mag-aral ng kolehiyo sa isang skwelahang may uniporme at puro babae lang ang kamag-aral mo. Buong buhay ko kasi, simula sa nursery, doon na ako nag-aaral. Hindi ko naiintindihan noon na may mga mas pangit pala maranasan. Tulad ng campus repression. Yun bang hinihigpitan kayo sa kilos o bagay na nais niyong gawin. Kahit na karapatan niyo bilang mamamayan na gawin ang bagay na ito.

Kundi lang talaga dahil sa mga taong nakapaligid sa akin e tumigil na ako. Matagal na. Paulit-ulit lang nila ipinapaliwanag na may mga responsibilidad pa akong kailangang gampanan sa pamilya ko, at di ko ito magagawa kung titigil ako. Na dapat patuloy ang pag-aaral sa loob at labas ng klasrum. Na hindi lahat may pagkakataong makapag-aral.

Ewan. Sawa na ako. Gusto ko na mag-aral sa labas ng paaralan. Sa labas, as in hindi tulad ng sinasabi ng kaklase ko na tulad sa mga public school. Nagkukulang sila sa mga klasrum, kaya yung iba sa labas nito nagkaklase. Hindi ganun. Gusto ko mag-aral ng mga paksang hindi nilalahad sa klase. Ng mga paksang gabay sa patuloy na pakikibaka at pagkilos para sa malayang Bayan.

Buhay nga naman. Kung buhay ka, papatayin ka ng sistema. Kung patay ka na, paparangalan ka at tatawagin kang santo. Dahil wala ka nang maling magagawa. Dahil matigas na bangkay ka na.

Ayoko na!

6/06/2006

Isang araw

Ito ay dala ng isang simpleng tawag. Isa. Simple.

Tinutulungan kong sagutan ang board exam reviewer ng kr ko nang may tumawag sa kanya. Naturalmente, dinampot niya yung mobile phone niya, at sinagot ang tawag.

Dito nag-iba ang lahat. Hindi na siya simple. Dahil ininggles niya ang kausap niya. Oo, ininggles.

Ganito kasi yun. Hindi pala-inggles ang kr ko. Mas pala-inggles pa ako sa kanya. Wala naman masama kung mag-inggles siya, kaso iba ang inggles niya. May accent. Malanding accent. Accent na kahit ako (na aminadong mas konyo sa aming dalawa, dala na rin ng pagpapalaki sa akin) e wala.

Tibak na may malanding accent tuwing nag-iingles?!! Exactly my point.

Yun na nga. Isa lang ibig sabihin nun: may nag-iinterview na naman sa kanya na kumpanya. Kaya naghintay na lang ako, nagpipigil ng tawa. At dahil kilalang-kilala na niya ang ugali ko, tumalikod siya. Baka siguro mapatid siya sa sinasabi niya, at maubusan siya ng inggles.

Natatawa ako kasi liban sa nagsasalita siya ng inggles na may malanding accent, nage-entertain pa rin siya ng mga ganoong klaseng tawag kahit na may trabaho na siya. Hirap maging in-demand.

Maya-maya, pagkatapos ng tawag, pinag-uusapan na niya at ng kanyang dalawa pang ka-batch ang naganap na tawag. Ano yung pangalan ng kumpanya. Saan yun matatagpuan. Ano ginagawa dun. Magkano ang ibibigay na sahod. Atbp.

Pinagtatawanan na rin nila yung naganap. Dahil nga may trabaho na silang tatlo, kaya't hindi na nila talaga tatanggapin yung kung anumang offer ang ibigay ng mga kumpanyang tatawag pa.

"Collect and collect." Yun yung narinig kong term na nagamit sa usapang yun. Mangolekta lang nang mangolekta ng kumpanyang nag-aatubiling tawagan sila, tsaka pumili. Highest bidder ata ang istilo.

Tulad ng sabi ko kanina. Hirap maging in-demand. Dahil sa usapang nila yun, naalala ko ang ibang mga katatapos lang din tulad nila na napupudpod ang mga sapatos sa paghahanap ng kahit anong klaseng trabaho, basta kumita lang. Kahit wala nang koneksyon sa kurso nila, basta trabaho, ayos na. Dahil sobrang hirap mag-hanap ng trabaho.

Lalo na sa mga hindi nakapag-tapos dahil naubusan ng pambayad sa matrikula. O ang mga hindi nakapag-tapos sa mga skwelahang hinahabol ng mga kumpanya. Lalo na sila. Nagkakasya na lamang sa sahod na naisip ng administrasyon na dapat ibigay sa kanila.

Sa aking palagay, hindi naman mali ng kr ko (at ng mga ka-kurso niya) na yun ang pinili nilang kurso. Kung yun ba naman ang hilig nila e. Dahil hindi naman nila kasalanan na malaki talaga ang kinikita ng mga propesyunal sa field nila. Lalong hindi rin nila kasalanan na sila pa ang hinahabol ng mga kumpanya, dahil man sa kurso, sa skwelahan, o pareho.

Sa aking palagay pa rin, hindi rin naman mali ng ibang hindi nagtapos sa skwelahan o kursong hinahabol ng mga kumpanya ang kapalaran nila, na hirap nga sila sa paghahanap ng trabaho. E sa doon ang hilig nila e.

Ang mali e napipilitan ang ibang mga estudyante na mag-enroll na lamang sa kursong sa tingin nila e mataas ang sahod, kahit na hindi talaga nila masikmura yun. Kahit na sa tingin nila'y hindi naman sila makakatulong sa kapwa nila, o sa lipunan.

O na ang ginagawa niyang trabaho ay walang koneksyon sa pinag-aralan niya. Na wala siyang magawa dahil hindi siya makapipili ng trabaho.

Mali rin na imbes na sinosolusyunan ng gobyerno ang maling ito, e sinusulsulan pa ang ganitong sistema. Imbes na gumawa ng paraan para magkatrabaho ang mamamayan, e iniiba ang depinisyon ng "unemployment" para mas kaunti ang mapabilang sa grupong ito.

Na imbes na sinusuportahan ang lokal na industriya para maparami ang trabaho dito sa Pinas, e pinupuri pa ang sistemang export-oriented, na kung saan, mga Pinoy at Pinay na ang ginagamit ng bansa bilang pang-kalakal.

Na imbes na mahasa ang lakas at talino ng mga nagsitapos, e hinahatak sila pababa sa pamamagitan ng sapilitang pagtrabaho sa mga industriyang walang koneksyon sa pinag-aralan nila dahil yun lang ang pwede nilang pasukan.

Na imbes na makatulong sa produksyon ng Pilipinas e, pinalalala pa nito ang kalunos-lunos na estado nito sa pamamagitan ng pagbigay ng suporta, tulad ng pera at papuri, sa mga industriyang hindi naman akatutulong sa lokal na produksyon.

Mali, dahil kung makatarungan at maka-tao ang sistema sa lipunan natin ngayon, walang hindi nakakapag-aral, walang nagugutom, at walang naghihinagpis.

At wala ring nagrerebolusyon!