5/15/2006

Walang hanggang paalam

Huling araw ko na yata ito ng OJT sa Bulatlat. Nagpunta ako kahit na wala akong article dahil nagdala ako ng pagkain. Bente na kasi ako sa sunod na araw.

Nag-ayos na rin ako ng kailangan ipasa sa 15. Evaluation form, atbp.

Hindi ako nag-paalam. Dahil susulat pa rin ako, lalo na kung may oras ako. Hindi dahil sa obligasyon, kundi dahil gusto ko. Marami akong natutunan na alam kong kahit kailan, hindi ko matututunan sa loob ng silid-aralan. Kaya gusto ko sana na ipagpatuloy ko ang karanasan na ito.

Bago ng karanasan na ito, akala ko mulat na ako. Mas lalo akong namulat. Ang dami kong nakasama, naka-usap, naranasan. At sana, tuloy-tuloy na ito.

Kadalasan, makakakita ka lamang ng pagbabago sa iyong sarili kapag nagbabalik-tanaw ka pagkaraan ng mahabang panahon, buwan man ang bibilangin, o taon. Sa aking karanasan ngayon, hindi ito totoo. Iniisip ko pa lang ngayon, binabasa ko ang mga naisulat ko, alam ko na nagbago ako. Pagbabago, na masasabi kong malaki.

Baka nga hindi ko na mamukhaan sarili ko kapag pumapasok na uli ako sa St. Paul, naka-uniporme, nagkaklase. Ang daming nangyari, pakiramdam ko hindi lang dalawang buwan ang lumipas mula nang huli kong hinubad ang uniporme ko, kundi taon.

Sa buhay ko ngayon, naiba ang pagtingin ko sa maraming bagay. Tuwing dumadaan ako ng Gateway, naaalala ko si Mang Delphin, na hindi na maipasyal ang pamilya niya sa sobrang liit ng kita niya. Sa McDo, ang libu-libong manggagawang hindi makabili ni kanin man lang. Sa SM, libu-libong manggagawa na walang permanenteng trabaho, dahil sila’y mga contractual workers lamang ni Sy.

Ngayon ko lamang nasuri ang buhay ko ng ganito kalinaw. At ngayon ko lang din naisip na ako pala’y nakatira sa loob ng isang bula: nakakakita ng nagaganap sa kapaligiran, ngunit walang naririnig, walang nararamdaman.

Buti na lamang at nalusaw na ang bula.

No comments: