3/05/2006

Ang rebolusyon ay isang ampalaya

Sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ko gagawin ito: ang gawing personal journal ang blog na ito, na walang ine-edit. Bakit? Kasi may notebook naman ako para doon (Notebook: ito ang tawag sa mga papel na magkakapareho ang sukat, na naka-bind. Para ito sa pagsusulat [o pambabato, pwede rin]. May dalawang matitigas na papel [o plastik] na nagsisilbing takip [o cover] nung mga papel. Ancestor ng blog.). Bakit kailangan ko pang ilahad ang lahat ng iniisip ko? Bakit kailangan ko pang dagdagan ang basura na nasa Internet?

Simple lang: dahil naniniwala ako na hindi basura ang ilalahad ko. Yun lang naman. At ito na nga.

Noong isang araw, kumakain kami ng aking mga kaklase ng tanghalian sa aming canteen. Isa sa amin, may ulam na crab sticks. Humirit yung kaklase ko, na masarap daw "yung ano, taba ng alimango na 'pag kumain ka no'n, mahihilo ka. Ano uli tawag do'n?"

Hinirit ko naman, "Baka kasi may cyanide yung alimango kaya ka nahihilo." Siyempre, alam ko na mataas kasi sa cholesterol yung aligue, kaya nakahihilo. Binibiro ko lang siya, pero sumakay yung isa ko pang kaklase, sinabi niya na, "Hindi, kaya ka nahihilo dahil mataas yun sa cholesterol."

Inulit ng kaklase ko yung tanong niya: "Ano uli tawag dun?" Sabi ko, "Aligue." Mali pa yung intonation ko.

Nag-react yung isa ko pang kaklase. Bakit daw gano'n, kung ano yung masarap, yun yung masama, yun ang bawal. Napaisip ako ng sandali sa sinabi niya, bago ko sinabi na masarap ito, dahil bawal. "Oo nga, gano'n 'ata talaga," sang-ayon ng kaklase ko.

Tumahimik ng saglit ang mesa namin. Subo, nguya. Napa-isip din ako sa sinabi ko. Masarap, dahil bawal. Bawal, dahil masama para sa atin. Kung gano'n, ang kabaliktaran ba ay totoo rin? Ang dapat para sa atin ay hindi masarap? Ang mabuti para sa atin ay hindi masarap?

Naalala ko bigla yung pagpatay kay Ricardo Ramos, lider ng CATLU. Hindi talaga masarap ang pagkamatay niya, lalo na sa kanyang pamilya. Pero pinatay siya dahil nakikipaglaban siya upang mabago ang represibong sistema sa Hasyenda Luisita. At pati yung 14 na namatay dun. Napatay sila dahil may ipinaglalaban silang pagbabago, na 'di hamak na makabubuti para sa kanila. At ngayon, natitikman na ng kanilang mga kasama ang mga unang matatamis na butil ng asukal.

Nag-aalangan akong humirit: "Parang... rebolusyon. Hindi siya masarap, at marami ka dapat isakripisyo para rito. Pero makabubuti sa atin..." Natawang hinirit naman ng kaklase ko, "At parang ampalaya! Mabuti siya para sa atin pero ayaw ng karamihan ng mga tao dahil mapait." Pabiro ko namang sinabi, "Ibig sabihin, ang panganganak ay mabuti rin para sa atin?"

Kung tutuusin, magkakarugtong ang sinabi namin: rebolusyon, mapait, panganganak. Ang rebolusyon (o kung anumang pagbabago) ay di hamak na mapait. Mahirap tanggapin. Ito ay dahil kailangan mong talikuran ang iyong nakasanayan upang harapin ang pagbabago. Kaya mapait. Dahil kailangan mong tanggapin ang mga pagbabago, maluwag man sa kalooban mo o hindi, dahil ito ay dala ng pag-tanda. Walang magaganap na pag-unlad sa iyo kung hindi mo ito tatanggapin. At kasama sa pag-tanda ay ang pag-bunga ng bagong buhay.

Panganganak. Isang masakit na karanasan, ayon sa mga nakaranas na nito. Kakaiba rin, dahil ang sakit na mararamdaman ay unang beses mo pa lang mararamdaman sa buong buhay mo. Parang pagbabago. O rebolusyon. Masakit ito, oo. At madugo. Sobrang madugo. Ngunit habang may dugong umaagos, may buhay na nagbabago. Habang may dugong umaagos, may diwang hindi nagagapi. Habang may dugong umaagos, patuloy ang pakikibaka para sa isang malaya at magandang bukas.

No comments: