2/25/2006

Asukal

Para sa mga manggagawa ng Hacienda Luisita sa Tarlac

Nung bata ako, ang akala ko sa
asukal
ay matamis na bagay na binubuo
ng matatamis na mga butil.
Pinatatamis nito ang kahit ano, kaya
kahit na masira ang ngipin ko,
patuloy pa rin ako sa pagtangkilik nito.

Ngayon ko lamang naintindihan na hindi
ganoon kasimple ang
asukal.
Ito'y binubuo rin ng hindi natupad na mga
pangako, pakikipaglaban para sa karapatan
na sinusuklian ng dahas, at hindi
makatarungan na sahod para sa
kalunos-lunos na trabaho.

At ngayon ko lang din naintindihan
na nagiiba-iba ang lasa ng asukal;
minsan maalat dahil sa luha,
minsan mapait dahil sa dugo.


Mas nakikilala mo ang isang tao sa kanyang sinusulat. Para sa akin, totoo yon. Mas makikita mo kung paano tumatakbo ang utak ko sa mga sinulat ko. Mas malalaman mo kung gaano katindi ang aking nararamdaman para sa isang mungkahi sa aking mga tula, sanaysay, kwento, atbp. Kapag nagsusulat ako, pakiramdam ko na may nagtitiyagang magbasa ng sinulat ko. At pwede akong magkwento sa kahit anong gusto kong isulat. Walang makapagpipigil sa akin, pwera na lang kung takdang-aralin ang isinusulat ko, at dinidiktahan ako ng titser kung tungkol saan dapat ang isinusulat ko.

Katulad ng tula ko. Kadalasan, hindi ko ito masasabi sa maraming tao. Pakiramdam ko kasi hindi nila maiintindihan. Hindi naman kasi tayo pare-pareho ng pinahahalagahan. Iilan lang talaga ang nahanap kong tao na makaiintindi sa saloobin ko. Kaya kadalasan, kung wala akong makausap ng masinsinan tungkol dito, nananahimik na lamang ako. Mahirap naman kasing makipagusap sa pilit na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan.

Isusulat ko na lang. Basahin na lang ng mga interesado at balewalain na lang ng mga walang pakialam. Para madali ang usapan. Basta magsusulat ako ng nais kong isulat. At yun ay tungkol sa lipunan natin. Kung paano ito gumagalaw. Kung bakit may mayayaman at mahihirap. Kung bakit may patuloy na nakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Kung paano tayo sakdal na lalaya. Kung sino dapat ang naghahari. Kung ano dapat ang ginagawa natin. Kung bakit may nagpapakamatay para sa Sambayanan. Kung kailan tayo kakalas sa kadena natin. At higit sa lahat, kung kailan, saan at paano maririnig ang mga boses na ineetsa-pwera.

1 comment:

etsapwera said...

Hango ito sa website na ginawa ko para sa isang klase namin. Nahihiya ako sa lay-out na ginawa ko sa website na iyon, kaya naisip kong ire-publish yung ibang content dito sa blog ko (hindi ko ikinahihiya yon!).