2/25/2006

Hindi Atin ang Ngayon

“Kaya ka ganyan kasi nasa EDSA kami nung buntis ako sa’yo!” Yan ang malimit sabihin ng nanay ko bilang paliwanag sa aking pagkatao. “Ganyan,” ibig sabihin tibak. Aktibista raw. Kaya raw ako naging aktibista dahil sa mga pangyayaring naganap bago pa man ako iniluwal sa mundong ito.

Hango ito sa sanaysay na ginawa ko para sa proyekto naming sa isang digital subject. Hindi ko na maalala ang tawag sa subject na 'yon dahil: marami kaming digital subject; halos pare-pareho ang ipinapagawa sa mga ito dahil pinagsama-sama na lang sa isang proyekto ang kailangan naming gawin (ang tawag ng titser naming dito ay “incorporating”); at iisa lang ang titser namin sa mga subject na ito.

Hindi ko ipinasa yung sanaysay na yun. Wala kasing ending e. Bitin din, hindi kasi umabot dun sa minimum number of words na sinabi ng titser namin (300). Tsaka ngayon na binabasa ko, napaka-self indulgent. Tinatalakay lang niya ang tungkol sa sarili ko. Yun lang. Wala naman masama dun; marami naman gumagawa nun, at hindi naman iligal yun. Ang problema e hindi autobiography ang habol ko. Gusto ko sana may maiintindihan ako sa huli, yung tipong realization, o sa mga salita ni James Joyce, may epiphany. Ito na sana yon.

Uulitin ko lang yung hinango ko sa sanaysay ko noon, para malinaw:

“Kaya ka ganyan kasi nasa EDSA kami nung buntis ako sa’yo!” Yan ang malimit sabihin ng nanay ko bilang paliwanag sa aking pagkatao. “Ganyan,” ibig sabihin tibak. Aktibista raw. Kaya raw ako naging aktibista dahil sa mga pangyayaring naganap bago pa man ako iniluwal sa mundong ito.

Siguro nga, “Mothers know best” talaga. May pagkakataong tama rin ang nanay ko. Sa puntong ito, nagkakasundo kami. Ako (at lahat ng tao) ay hinubog ng mga pangyayaring naganap bago pa man ako (o tayo) ipinanganak. Lahat tayo ay namulat sa mundong bumuhay sa mga lumuwal sa atin, na namulat din sa mundong bumuhay rin sa lumuwal sa kanila.

“We are the children of our times.” Tayo ay produkto ng ating panahon. Oo nga, pero hindi yun ang buong katotohonan. Ang mundong kinamulatan natin ay hindi atin. Hindi tayo ang gumawa ng mga strakturang meron ngayon. Hindi tayo ang gumawa ng sistemang kinamumuhian natin. Hindi tayo ang gumawa ng lipunang pilit at sabay-sabay nating binabago.

Kaya lagi tayo nangangarap ng bagong sistema. Ng makatarungang lipunan. Ng magandang umaga. Dahil hindi atin ang panahon ngayon. Ang panahon ngayon ay panahon ng pagbabago, panahon ng ligalig, panahon ng pagtalikod sa nakasanayan patungo sa makatarungan. Ito ang panahon na tayo ay dapat patuloy na kumikilos, patuloy na inoorganisa ang mga sarili, at patuloy na inaalam ang nagaganap sa lipunan. Ito ang panahon ng paghahanda para sa maganda at malayang bukas.


Asukal

Para sa mga manggagawa ng Hacienda Luisita sa Tarlac

Nung bata ako, ang akala ko sa
asukal
ay matamis na bagay na binubuo
ng matatamis na mga butil.
Pinatatamis nito ang kahit ano, kaya
kahit na masira ang ngipin ko,
patuloy pa rin ako sa pagtangkilik nito.

Ngayon ko lamang naintindihan na hindi
ganoon kasimple ang
asukal.
Ito'y binubuo rin ng hindi natupad na mga
pangako, pakikipaglaban para sa karapatan
na sinusuklian ng dahas, at hindi
makatarungan na sahod para sa
kalunos-lunos na trabaho.

At ngayon ko lang din naintindihan
na nagiiba-iba ang lasa ng asukal;
minsan maalat dahil sa luha,
minsan mapait dahil sa dugo.


Mas nakikilala mo ang isang tao sa kanyang sinusulat. Para sa akin, totoo yon. Mas makikita mo kung paano tumatakbo ang utak ko sa mga sinulat ko. Mas malalaman mo kung gaano katindi ang aking nararamdaman para sa isang mungkahi sa aking mga tula, sanaysay, kwento, atbp. Kapag nagsusulat ako, pakiramdam ko na may nagtitiyagang magbasa ng sinulat ko. At pwede akong magkwento sa kahit anong gusto kong isulat. Walang makapagpipigil sa akin, pwera na lang kung takdang-aralin ang isinusulat ko, at dinidiktahan ako ng titser kung tungkol saan dapat ang isinusulat ko.

Katulad ng tula ko. Kadalasan, hindi ko ito masasabi sa maraming tao. Pakiramdam ko kasi hindi nila maiintindihan. Hindi naman kasi tayo pare-pareho ng pinahahalagahan. Iilan lang talaga ang nahanap kong tao na makaiintindi sa saloobin ko. Kaya kadalasan, kung wala akong makausap ng masinsinan tungkol dito, nananahimik na lamang ako. Mahirap naman kasing makipagusap sa pilit na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan.

Isusulat ko na lang. Basahin na lang ng mga interesado at balewalain na lang ng mga walang pakialam. Para madali ang usapan. Basta magsusulat ako ng nais kong isulat. At yun ay tungkol sa lipunan natin. Kung paano ito gumagalaw. Kung bakit may mayayaman at mahihirap. Kung bakit may patuloy na nakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Kung paano tayo sakdal na lalaya. Kung sino dapat ang naghahari. Kung ano dapat ang ginagawa natin. Kung bakit may nagpapakamatay para sa Sambayanan. Kung kailan tayo kakalas sa kadena natin. At higit sa lahat, kung kailan, saan at paano maririnig ang mga boses na ineetsa-pwera.