11/05/2008

11/5/08

Hindi na ako marunong tumula.
Hindi ko na alam kung paano
humabi ng mga salita upang ilarawan ang bukang-liwayway
na matatanaw mula sa bintana.
Hindi ko na alam kung paano ilalagay sa papel ang nadaramang
lamig ng gabi ng iniwang
mangingibig.
Hindi ko na rin alam kung paano isasalaysay ang pagpatak
ng ulan sa tigang na lupa.
Dahil abo na sa aking gunita ang
mga maririkit at maaamong salita.
Ngabibida ngayon ang mga salitang
mararahas at mapupusok, mga salitang
ibinubungad ang mga magsasakang
hindi lamang palay ang ginagapas,
kundi kaaway; mga kabataang manunulat
na inaangkin ng lagim ng gabi, ngunit
hindi ng limot; ang api, na nangangalampag
upang maningil ng dugo; ang mga manggagawang
pinapanday ang malayang kinabukasan.

Hindi na ako marunong tumula.

9/29/2008

Isang linggo na ang lumipas simula ng malaman ko ang iyong paglisan, ngunit hindi ko pa rin lubos na matanggap na wala ka na. Hanggang ngayon, tuwing nakikita kita sa gunita ko, ang nakikita ko ay ang Mai/Rachelle (naaalala mo ba nung nililito ako ng roommates natin sa Albay kung ano nga ba itatawag sa iyo?) na naalala ko--- ibang-iba sa bangkay na may mga latay ng pagpapahirap. Hanggang ngayon, iniisip ko buhay ka pa rin (siguro nadadagdagan na ng kakaibang dimensyon ang karaniwan kong kabaliwan o umaandar na naman ang pagiging matigas ng ulo ko o slow lang talaga ako). Hanggang ngayon, iniisip ko na posibleng magkita pa rin tayo muli sa mga national convention o national council meetings. Ewan ko. Siguro, ang diwa mo ang nararamdaman ko. Kung kaya may kumpiyansa ako na masasagap muli kita balang araw. Kung saan mang larangan yun, alam ko andun ka. Nagsisilbing inspirasyon para sa aming nagpapatuloy sa gawaing naiwan ng mga tulad mo. Hindi ko alam kailan tayo magkikita muli. Hindi ko alam saan. Basta ang alam ko, naka-daster ka na bulaklakin sa pagkikita natin. 


Hindi paalam, kundi hanggang sa muli ang sasabihin ko sa iyo. Mali pala ako. Bakit ako magpapaalam sa isang mahusay, masiyahin, at mabait na kaibigan? Nananatili kang buhay, habang andito kami sa buhay na ito. Habang patuloy naming pinaglilingkuran ang masa. Habang patuloy kami sa pagkilos para sa tunay na kalayaan.

Hanggang sa muli, Rachelle. Hanggang tagumpay.

9/28/2008

Mai

Tulad mo ay di malilimot habang kami ay narito.

9/06/2008

Suicide is a selfish act. When you consider doing it, you do not think of its consequences. You do not think of the people you will leave behind, the unfinished tasks, the changes you may have done. You only think of the coming oblivion, wherein such concerns are insignificant. And of course, you think of relief.

Suicide is not a mistake. Mistakes can be atoned for.

9/02/2008

x=?

Sabi ni Einstein, "How on earth are you ever going to explain in terms of chemistry and physics so important a biological phenomenon as first love?"

Ang sabi ko, "Kung ang pag-ibig ang x, ano ang formula?"

8/29/2008

ramdam ang karamdaman




Minsan kapag wala akong ginagawa, mahilig ako mag-isip. Isa sa mga naisip ko kanina ay ang kahinaan kong magsalaysay ng nagaganap sa akin sa ibang tao. Robot nga yata talaga ako. Kaya ko isipin (sa theoretical na level) kung ano ang gagawin (in detail) kapag may nangyari sa isang malapit na kaibigan (namatay, nakulong, etc). Kaya ko ilayo ang personal na galit sa isang taong kinakausap. Kaya ko rin makipag-usap tungkol sa damdamin nila, nang hindi naipapasok kung ano ang nararamdaman ko.

At yun ang madalas kong problema. Nahihirapan ako ipaunawa sa kausap kung ano ang nararamdaman ko. Hindi ako naniniwala sa pagbibitiw ng generic at simpleng kataga tulad ng, "nalulungkot ako" o "nagagalit ako." Hindi sa dahil hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko, pero palagay ko, kulang ang mga katagang ito para maisalaysay ko nang buo ang saloobin ko.

(Ang malabo rito, sa personal na damdamin ko lang ito problema. Pag may tinatalakay na isyu, kaya ko iayon ito sa kausap, gawan ng paraan para mas maintindihan niya sa pamamagitan ng pag-lapat ng personal na karanasan sa isyu.)

At sanay na rin naman kasi ako mag-kubli ng nararamdaman. Bukod sa nakakalimutan ko magpahayag ng nararamdaman, hindi ko rin naman madalas na nakikita ang pangangailangan magsalita tungkol sa nararamdaman ko, lalo na kung may kinalaman sa pagkakamali sa akin ng kaibigan, dahil naiisip ko na may iba pang dahilan kung bakit nagawa niya yun. Kumbaga, nothing personal. At mahaba rin ang pasensiya ko.

Pero sa mga ganitong pagkakataon na bigla akong dinadalaw ng lumbay dahil sa kakulangan ko sa pakikipag-kapwa tao, kahit gusto ko magsalita, nahihirapan ako. Mas madali isulat. Kapag nagsasalita kasi, maraming aberya: pwedeng maputol ang usapan dahil may biglang nagaganap (may nasagasaan, biglang bumagyo, sumobra ang init, may nasusunog, may nadapa, may biglang dumating na may dalang pagkain, may nagtext, may tumawag, etc), pwedeng makalimutan mo ang ilang importanteng salita na sasabihin (bago kasi ako kumausap ng tao, naghahanda ako ng "speech" sa utak ko), pwedeng hindi pala handa makipag-usap ang taong yun tungkol sa ganung bagay, etc. Hassle masyado para sa akin. Lalo na sa isang punung-puno ng duda, tulad ko.

Kay rami kong nakikita pang pagkukulang, mga bagay na dapat pa baguhin. Ang bilin sa akin, steady lang, patuloy naman ako hinuhubog ng kilusan at karanasan, kaya magpahinga kapag dapat, at kumilos nang ayon sa kakayahan. Kaya nga ako nagpahinga ngayon. Ngunit sa mga ganitong pagkakataon ko naiisip ang mga bagay na ito.